Kakulangan sa guro, dapat tutukan
- BULGAR
- Mar 24, 2023
- 1 min read
@Editorial | March 24, 2023
Bukod sa problema sa mga pasilidad, isa pa rin sa pangunahing usapin sa edukasyon ay ang kakulangan sa mga guro sa pampubliko at pribadong paaralan.
Kaugnay nito, patuloy ang panawagan sa Department of Education (DepEd) na mag-hire ng 30,000 bagong guro taun-taon sa susunod na limang taon. Sa pamamagitan nito, maaaring mabawasan ang class size sa 35 mag-aaral bawat isang guro na magreresulta sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Batay naman sa datos ng Department of Budget and Management (DBM), nasa P14 bilyon ang kakailanganin para makakuha ng 30,000 bagong titser sa isang taon. Malaki-laking pondo pero kung uubra naman at para rin sa ikabubuti ng sistema ng edukasyon, bakit hindi?
Walang ibang panahon para isaayos ang kalagayan ng edukasyon sa bansa kundi ngayon. Napag-iiwanan na tayo sa buong bansa, kailangang humabol.
Dapat nang busisiin kung nasaan ang problema. Bakit may mga hirap makapasa sa licensure exam for teachers? At bakit mayroong mga pasado naman pero walang trabaho?
Kung nais nating mapabuti ang mga mag-aaral para sa kanilang kinabukasan at ng bayan, simulan natin sa pagpapalakas sa ating mga guro. Kailangan natin silang alagaan para maging mas malakas, epektibo at mahusay. Sila ang gabay ng mga mag-aaral, marapat lang na sila ay nasa paaralan.
Resolbahin na natin ang problema sa kakulangan ng mga guro, ngayon na.



Comments