Kakulangan ng oportunidad, dahilan kaya 3 milyon ang tambay
ni Ryan Sison - @Boses | April 11, 2022
Bagama't marami-rami tayong kababayan na nakabalik sa kani-kanilang hanapbuhay dahil sa pagbaba ng alert level sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kapansin-pansing malaki pa rin ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.
Nitong Pebrero, lumobo sa 3.13 milyong Pilipino ang walang trabaho, kung saan karamihan umano sa mga ito ay walang nakukuhang trabaho dahil marami pa ring negosyo ang hindi nag-o-operate.
Ayon sa Philippine Statistics Authority chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, karamihan ng unemployed adults ay nasa edad 15 pataas.
Base sa datos, ang 3.13 milyong jobless Pinoys noong Pebrero ay mataas sa 2.93 milyon na walang trabaho noong Enero, habang mas mababa naman ito sa 4.19 milyon noong Pebrero 2021.
Samantala, ayon kay Mapa, nang magluwag ang restriksiyon sa ilalim ng Alert Level 2 noong Pebrero, marami ang naghahanap ng trabaho na umabot sa 63.8%, mas mataas sa 60.5% noong Enero 2022.
Sa totoo lang, maraming gustong magtrabaho, pero dahil sa limitadong oportunidad, no choice sila kundi tumambay muna. Marahil, ang ilan sa kanila ay may diskarte para kahit papaano ay maitawid ang mga pangangailangan, pero paano naman ‘yung iba na walang-wala?
Kasabay ng paggalaw ng ekonomiya, hangad nating marami pang trabaho ang magbukas. Sana’y may magawa ang pamahalaan para makatulong sa mga nais maghanapbuhay.
‘Di kasi puwedeng umasa lang sa ayuda, ‘ika nga, kayod-kayod din.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments