Kakarampot ang budget sa pabahay, paldo naman sa pondo ang mga pulitiko
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 13, 2022
KAKARAMPOT NA BUDGET NG DUTERTE ADMINISTRATION NOON ANG IBINIGAY SA PABAHAY—Ang hinihirit palang budget ng National Housing Authority (NHA) sa DBM Department of Budget and Management noong panahon ni dating Pres. Rodrigo Duterte para sa 2021 ay P63.7 bilyon upang masolusyunan na ang problema sa pabahay ng mahihirap nating mga kababayan, pero ang masaklap, ang inaprub lang ng Malacañang at mga kaalyado nitong kongresista at senador ay P3.7-B lang.
Sa kakarampot na budget na ibinigay noon sa NHA, dapat pa bang i-memorize kung bakit hanggang ngayon ay wala pang bahay ang mga biktima ng Marawi war, hindi natupad ang promise na pabahay ni ex-P-Duterte sa mga biktima ng Taal volcano eruption at hanggang ngayon ay wala pang bahay ang mga maralita nating kababayan.
◘◘◘
AKALA NG NHA MADARAGAGAN NA ANG BUDGET SA PABAHAY—Dahil P3.7-B lang ang inilaang budget ng Duterte administration noon para sa pabahay, umasa ang NHA na ngayong Marcos administration ay madaragdagan na ang kanilang budget, pero ang masaklap ay mas bumaba pa ito dahil ang inaprub lang ng DBM, mga kongresista at senador na budget para sa pabahay sa 2023 ay higit P1.5-B lang.
Dahil d'yan ay huwag umasa ang maralita nating kababayan na sila ay magkakabahay next year.
◘◘◘
KUNG KAKARAMPOT ANG BUDGET SA PABAHAY, PALDO NAMAN ANG INTEL AT CONFIDENTIAL FUNDS NG OP, OVP AT "PORK" NG MGA CONG. AT SEN.—Kung kakarampot ang budget para sa pabahay ng maralitang Pinoy, nakakalula naman ang intelligence at confidential fund ng Office of the President (OP), Office of the Vice-President (OVP) at syempre, ang tagong pork barrel projects na isiningit ng mga kongresista at senador sa 2023 national budget.
'Yan ang nakakalungkot na katotohanang nangyayari sa Pilipinas, basta para sa budget sa kapakanan ng mahihirap na kababayan ay kakarampot, pero para sa kapakanan ng mga government officials at pulitiko, paldo!
◘◘◘
SANA MAGKAROON NG INDEPENDENT BODY NA MANGANGASIWA SA PARTEHAN NG YEARLY NATIONAL BUDGET—Para hindi agrabyado ang mamamayan sa partehan ng national budget, sana ay may makaisip sa mga mambabatas na magtatag ng independent body na siyang mangangasiwa sa pagpaparte-parte ng yearly national budget at huwag na itong ipamahala sa mga government officials at mga pulitiko.
Kapag kasi opisyal ng pamahalaan at pulitiko ang nangasiwa sa pagpaparte-parte ng national budget, eh sa totoo lang, palaging agrabiyado sa partehan ang mamamayan at sa mga government officials at politicians.
Pero ang problema, tiyak na indi papayag ang mga gov't. officials at politicians.





Comments