Kakapusan ng budget, huwag sanang mauwi sa pagkabangkarote ng pamahalaan
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 12, 2022
KAKAPUSAN NG BUDGET, HUWAG SANANG MAUWI SA PAGKABANGKAROTE NG PAMAHALAAN—Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority na nitong Agosto 2022 pa kinapos ng mahigit $6 billion (P354 bilyon) ang budget ng Philippine government.
Ganun? Nakupo, huwag naman sanang mangyari na ang kakapusan ng national budget ng Pilipinas ay maging daan tungo sa pagkabangkarote ng pamahalaan.
◘◘◘
SABLAY ANG PABIDA NI VP, DEPED SEC. SARA NA TATLONG TRAK NG PAGKAIN ANG TUGON SA MALNUTRISYON SA BUONG BANSA—Sablay ang pabida ni Vice-President, DepEd Sec. Sara Duterte-Carpio na nag-deploy na siya ng tatlong trak na puno ng pagkain para matugunan ang malnutrisyon sa buong bansa.
Kaugnay nito'y sinupalpal siya sa social media ng kanyang pinsang-buo na si Dr. Nuelle Duterte, imposible umano na kayang tugunan ng tatlong trak na puno ng pagkain ang malnutrisyon sa mga bata sa buong bansa.
◘◘◘
MATIGIL SANA ANG PANG-I-SCAM SA KABAN NG BAYAN NG MGA KURAKOT—Batas na ang SIM registration act, at ayon sa mga mambabatas, ito ay para matigil na ang pang-i-scam ng sindikato na gumagamit ng cellphone para mambiktima.
Sana, hindi lang ang pang-i-scam ng sindikato ang matigil, matuldukan na rin sana ang pangungurakot sa kaban ng bayan.
◘◘◘
PROBLEMA TALAGA ANG FAKE NEWS—Sa latest survey na inilabas ng Pulse Asia, ay 86% ng mga Pilipino ang nagsabi na ang isa sa malaking problema ng Pilipinas ay ang fake news na ikinakalat sa social media ng mga bloggers at vloggers.
Totoong malaking problema ng bansa ang fake news sa social media, tulad noong eleksyon, 'yung mga kurakot na pulitiko ay ginawang santo sa social media na nagresulta upang karamihan sa mga corrupt politicians ay nagwagi sa halalan.





Comments