top of page

Kakambal na ng Republika ng Pilipinas ang graft and corruption, tsk!

  • BULGAR
  • Dec 8, 2022
  • 2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | December 8, 2022


USAP-USAPAN ngayon ang Maharlika Sovereign Fund.


Isa itong panukalang batas na maglalaan ng espesyal na pondo, hiwalay na tradisyunal na pondo ng gobyerno.


◘◘◘


ANG P5.3 trillion budget ay tradisyunal na pondo na inilalaan ng Kongreso, taun-taon.


Hindi masasakop ng 2023 budget ang Maharlika Fund—maging ang gugulin na itinakda ay hindi ito magagalaw.


◘◘◘


NAKAPOKUS ang isyu, hindi mismo sa Maharlika Fund, bagkus ay ang panganib na malustay ito o madambong ng mga kroni o mawaldas ng mga kasunod na administrasyon.


Malinaw na ibinababala na dapat matiyak ang pondo na hindi maabuso o magagamit sa “kawalanghiyaan” ng mga kurakot sa pamahalaan.


◘◘◘


TUMPAK ang argumento na “mabuti” ang Maharlika Fund sa pasubaling sa mabuti rin ito gagamitin.


Ganyan din naman ang lahat ng pondo na inilalaan sa General Appropriations Act—ang intensyon ay mabuti lahat, pero saan nauuwi?


◘◘◘


SA totoo lang, ang sagot talaga ay ang kawalan ng “ideolohiya” ng mismong mga lider o opisyal ng gobyerno.


Nag-uugat ang problema, dahil iilan lamang sa mga ito ang nakauunawa ng tunay na kahulugan o esensya ng ideolohiyang maka-Filipino.


◘◘◘


HANGGA’T walang niyayakap o pinaninindigang “ideolohiya” ang mga lider ng alinmang bansa—ang korupsyon ay hindi kailanman masusugpo.


Nakapasok, nakatanim at nakabaon sa ideolohiya—ang “pagmamahal sa bayan, pagsasakripisyo at pagmamalasakit” sa Lahing Kayumanggi, partikular sa pag-ibig sa tinubuang lupa.


◘◘◘


KAPAG walang ideolohiya—ang mga lider at opisyal, ang mga ito ay nababahiran ng pagkamakasarili, pagiging gahaman sa materyal at salapi at pagiging ganid sa posisyon.


Pero, kapag may ideolohiya—ang matataas na opisyal, partikular ang mga “kokontrol sa Maharlika Fund”, ito ay magagamit ng mabuti para sa kapakanan ng bawat Pinoy.

◘◘◘


NGAYON, tanungin natin ang mga promotor.

Sino sa inyo ang nakauunawa ay yumayakap sa tunay na “ideolohiyang maka-Filipino”?

Nakahalukipkip lang.


Huh, namutla kayo ano?


◘◘◘


ANG graft and corruption ay kakambal ng Republika ng Pilipinas.

Kapag sinabing graft and corruption, direktang tinutukoy ay ang mandarambong sa loob ng pamahalaan.


Walang debate riyan.


◘◘◘


ANG problema, maging ang pribadong korporasyon o kahit teknokrat ay may mga pusakal ding “kurakot”.


Ang pagkakaiba lang sa korporasyon, ninanakaw nila ay pondo ng “pribadong tao”.


◘◘◘


PARE-PAREHO lang may “kurakot” sa publiko at pribadong sektor.


Ito ay ganun din ang dahilan: Walang ideolohiya ang mga lintek!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page