top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Kakaibang latigo, kakaibang kalbaryo ng taong 2022

BULGAR
Apr 18, 2022
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 18, 2022


Napanood ko ang mga video ng mga mura, insulto, sari-saring panlalait kay VP Leni Robredo.


Kakaiba ang mga bibig ng mga nagmumura, nanlalait, nangbabastos. May kasabihan na huwag mong gagawin ang anumang bagay na bastos, walang galang, walang respeto at pakundangan sa sinumang babae dahil may nanay ka. Isipin mo na lang ang nanay mong minumura, nilalait, binabastos, minamaliit at ginagawang katawa-tawa’t kaawa-awa.


Ngunit hindi gumaganti at nagpapakita ng galit si VP Leni. Patuloy lang ang paglilingkod. Patuloy lang ang paggawa ng tama’t mabuti sa mga kailangang tulungan at paglingkuran. Salamat po VP Leni sa dangal na inyong ipinamamalas. Maraming, maraming salamat po.


Kung latigong may bubog at pako ang ginamit sa paghampas kay Hesus noong unang mga Mahal na Araw bago siya ipako sa krus, kakaiba ang latigong ginagamit ngayon. Digital na.


Noong nakaraang Martes, sinamahan natin ang mga maralitang taga-lungsod sa kanilang Kalbaryo ng Maralitang Taga-Lungsod. Tatlumpu’t pitong (37) taon na nilang ginagawa ito. Sinimulan ito ng Urban Poor Associates, ang grupong itinatag ng matalik kong kaibigang si Denis Murphy na limang taon nang patay.


Wala na si Tatay Denis ngunit naririyan pa ang kanyang espiritu ng pagmamahal para sa mga maralitang taga-lungsod.


Nakatutuwa, kakaibang Amerikano, “Kano” ‘ika nga itong si Denis. Kanong mahal na mahal ang mga maralita. Napapahiya na lang ako tuwing nakikita, naririnig, nababasa ko ang malalim na pagmamahal ni Denis para sa mga maralita. Parang nakikita ko kay Denis ang nakita ko kay Mother Teresa ng Kolkata na ngayon ay si St Teresa of Kolkata. Ganon din ang nakita ko kay St. Francis of Assisi at kay Papa Francisco.


Sa taong ito, isinagawa ng mga maralitang taga-lungsod ang kanilang kalbaryo sa headquarters ni Leni-Kiko sa Katipunan. Simple at maikli lang ang ibinigay nilang gawain sa akin. Babasbasan ko ang tatlong krus na iikot sa tatlong malalaking pamayanan ng maralitang taga-lungsod. At pagkatapos ko basbasan ang mga krus, ipapasan ko ang isang krus kasabay ng pagpasan ng dalawang kababaihang kumakatawan sa maralitang taga-lungsod.


Ginawa ko ang hiningi ng grupo sa akin. Taon-taon kong ginagawa ko ito tuwing Disyembre sa Panunuluyan ng Maralitang Taga-Lungsod at tuwing Mahal na araw, Martes o Miyerkules sa Kalbaryo ng Maralitang Taga-Lungsod.


Wala akong kamalay-malay kung ano ang magiging epekto ng simpleng gawaing iniatas sa akin ng mga kaibigang maralitang taga-lungsod. Katatapos lang ng Kalbaryo nang nagsimula na ang tuloy-tuloy na pambabatikos, panlalait sa akin sa social media. Dahil hindi ako mahilig at medyo hindi rin sanay na sumubaybay sa mga nangyayari sa social media, wala akong kamalay-malay na nagsimula na naman ang panlalait sa naturang “paring Damaso”, “pari-parian”, “pekeng pari”, “tiniwalag na pari”, atbp.


Malulutong, bastos, below the belt na mura ang muling kumalat laban sa nabanggit na pari mula Martes Santo hanggang katapusan ng mga Mahal na Araw ng kasalukuyang taon.


Tumahimik na lang ako at nagdasal. Nagdasal tayo nang taimtim para sa mga maralitang taga-lungsod na hanggang ngayon ay kailangang lumaban at ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa pabahay, kalusugan, edukasyon, kabuhayan atbp.


Alam ito ni Denis. Palagi naming pinag-uusapan sa kanyang bahay ang mga nangyayari sa mga maralitang taga-lungsod. Walang tigil ang pakikipag-usap ni Denis sa mga kaibigang senador, taga-Kongreso, mga mayor, mga kasama sa Social Development work, sa mga international partners na tumutulong at sumusuporta sa pagtataguyod ng karapatan ng maralitang taga-lungsod.


Merong lingguhang kolum sa isang kilalang pahayagan si Denis, ang mahinahong intelektuwal. Hindi naman talaga ito lingguhang kolum ngunit parang ganu’n na rin ang nangyari sa dalas ng kanyang pagsusulat. At halos lahat ng kanyang sinusulat ay tungkol sa buhay at pakikibaka ng mga maralitang taga-lungsod.


Nami-miss ko ang Tatay Denis. Naging tatay ko siya noong pumanaw ang aking sariling ama noong Nobyembre 2000. Malaking bagay sa akin na naririyan lang si Denis na nadadalaw ko tuwing nais kong makipagkuwentuhan at talastasan sa isang marunong at mahinahong intelektuwal na nagmamahal sa maralitang taga-lungsod.


Kung buhay ngayon si Denis, siguradong napag-usapan na namin ang kakaibang latigong ginagamit ngayon. Ngunit tiyak ko rin ang sasabihin nito. Mas mahalaga ang trabaho para sa karapatan at kapakanan ng mga maralitang taga-lungsod. Babatikusin, lalatiguhin ang mga gumagawa ng tama at matuwid. Malinaw na mas mahalaga ang gawain na dapat hindi manghihinawa anuman ang mangyari. Higit na mahalaga ang misyon sa tama, totoo at mabuti.


Naririnig ko ang tinig ni Tatay Denis na naka-ngiti, “Tuloy lang ang laban Robert… Huwag tayong matakot, panghinaan ng loob, tuloy lang ang laban para sa Diyos, kapwa at higit sa lahat para sa maralita…”

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page