Kaka And Bachi, banderang tapos
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |September 12, 2022
Hindi binigo ni Kaka And Bachi ang kanyang mga tagahanga matapos manalo ng banderang tapos sa Condition Race 17 na pinakawalan sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas, kahapon.
Humarurot sa largahan si Kaka And Bachi upang hawakan ang dalawang kabayong agwat sa sumusunod na Golden Sunrise. Sinakyan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jessie Basilio Guce, tinipid nito ang lakas ni Kaka And Bachi upang makatagal sa unahan at masilo ang inaasam na panalo.
Inirehistro ni Kaka And Bachi ang 1:22. 6 sa 1,400 meter race, dumating na segundo si Moment Of Truth habang tumersero at pumang-apat sina Namayan at Golden Sunrise ayon sa pagkakasunod. "Ang gaan na nanalo ni Kaka And Bachi, para nagtrangko lang walang kahirap-hirap na tinawid nito ang meta," saad ni Dominador Arguelles, veteran karerista.
Ang nasabing event ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Samantala, binulaga ni Smart Bell ang mga karerista nang manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pinakawalan sa pangalawang karera.
Sinakyan ni jockey Rico Suson, inilista ni Smart Bell ang tiyempong 1:26. 8 sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ang karagdagang premyong P5,000 para sa winning horse owner.
Naging masaya naman ang mga karerista sa kanilang paglilibang sa 10 karerang inihain ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kahapon ng Linggo.





Comments