Kailangang maging responsable sa pagkakaroon ng anak, period!
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 06, 2021
Ayon sa ulat na inilabas mula sa isinagawang pag-aaral ng World Bank ay kinakailangan ng Pilipinas na maglaan ng mas maraming programa na tutukoy sa mga batang kulang sa nutrisyon na labis na nakaaapekto sa pinakamahihirap na populasyon sa bansa.
Tumataas umano ang bilang ng mga batang nauudlot ang paglaki dahil sa kakulangan ng tamang nutrisyon na ikinokonsiderang isa sa pinakaseryosong problema ng mundo na hindi agad natutugunan at patuloy pang lumalala ang sitwasyon.
Sa Pilipinas ay tinatayang nasa 30-porsiyento ng mga batang may edad limang taon pababa ang apektado ang paglaki, na masyado umanong tumaas kung ikukumpara sa ating mga karatig-bansa na nasa 20-porsiyento lamang ang dumaranas nito sa ganitong edad.
Ang ating bansa ay naitalang nasa ika-limang puwesto na sa mga bansa sa East at Pacific region na may mga hindi gaano lumalaking bata at nasa top ten naman tayo sa buong mundo na may pinakamataas na bilang ng mga batang nauudlot ang paglaki.
Pinatotohanan mismo ng ilang opisyal ng World Bank sa Brunei, Malaysia, Pilipinas at Thailand na ang kakulangan ng nutrisyon sa mga bata ang isa sa nangungunang usapin sa ating bansa kung bakit naaapektuhan ang pag-unlad ng mga tao at ng ekonomiya.
Totoo naman ang kanilang pag-aaral dahil ang mga batang malulusog ay aktibo sa pag-aaral at mararamdaman ang pagiging produktibo nito sa ating komunidad kumpara sa mga batang kulang sa nutrisyon na palaging maysakit, mahina at hindi na pumapasok sa eskuwela.
Sa ibang rehiyon ay umaabot pa sa 40-porsiyento ang nababansot sa edad na limang taon pababa — tulad sa Bangsamoro Region in Muslim Mindano (BARMM), Bicol at Western Visayas partikular sa mga batang nasa rural areas.
Ilan sa pangunahing dahilan ng kakulangan ng nutrisyon ay ang hindi tamang pagpapakain sa mga bata kabilang na ang sanggol na karaniwang ipinagkakatiwala ng mga magulang ang pagpapakain sa mga maliliit din nilang anak dahil sa abala sila sa ibang gawain.
Malaking epekto rin ang kakulangan sa masustansiyang pagkain, tamang access sa mga health center, hindi malinis na pamamahay at kapaligiran at higit sa lahat ay ang kahirapan na karaniwang dinaranas ng ilan nating kababayan na halos hindi na kumakain sa tamang oras.
Ayon kay Nkosinathi Mbuya ng World Bank Senior Nutrition Specialist ng East Asia at ng Pacific Region na siyang ring lead author ng inilabas na report na lubha umanong napakaikli ng panahon para mabigyan ng sapat na atensiyon para tutukan ang pisikal, emosyonal at mental health abilities ng isang bata.
Kailangan umanong maibigay at mapunan ang sapat na nutrisyong kailangan ng bata mula sa araw ng kanyang kapanganakan hanggang sa ikalawang taon ng kanyang kaarawan o ang unang 1, 000 araw sa kanilang buhay.
Kapag hindi umano ito naisagawa ng tama ay maaari itong magdulot ng malaking epekto sa pisikal na pangangatawan ng isang bata kabilang na ang brain development at napakaraming babae sa bansa ang nagluluwal ng sanggol ang hindi pa rin alam ang mga bagay na ito.
Bilang halal na opisyal ay naalarma tayo sa ulat na ito at hindi tayo papayag na manatili tayo sa talaan ng mga bansang kabilang sa mga hindi nabibigyan ng sapat na nutrisyon ang mga bata kaya masusi nating inaaral kung paano matutulungan ang mga bata.
Kaya napapahon itong pagsasanib-puwersa ng Department of Health (DOH) at ng World Food Programme (WFP) na naglunsad ng kauna-unahang Philippine national guidelines para sa pamamahala ng Moderate Acute Malnutrition (MAM) para sa mga batang may edad limang taon pababa.
Layon umano ng pagsasamang ito na kung hindi tuluyang mawala ay maibsan man lamang ang patuloy na pagtaas ng kaso ng acute malnutrition sa bansa at nakagagaan ng kalooban na kahit paano ay may ilang ahensiya na nagsusumikap at nagpapakita ng malasakit hinggil sa problemang ito.
Ayon sa pinakahuling ulat na inilabas ng National Nutrition Survey ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI), humigit-kumulang na umano sa isang milyong bata ang nagdurusa sa acute malnutrition sa bansa na talagang nakababahala.
Kaya makabubuting maitaas ang antas ng kaalaman sa panig ng ating mga kababayan, partikular ang mga nasa kanayunan na natukoy na may mataas na kaso ng matinding malnutrisyon at tulungang madagdagan ang kaalaman ng mga magulang hinggil dito.
Ang kaso ng malnutrisyon sa bansa ay mas lalo pang nadagdagan sa panahong ito ng pandemya dahil ang dating mahihirap nating kababayan na sumasala na sa pagkain ay mas lalo pang nasadlak sa pagtitiis dahil sa mga nawalang kabuhayan dulot ng COVID-19.
Ayon naman sa pahayag ng National Economic and Development (NEDA), lumobo pa sa 320,000 ang mga unwanted pregnancy o hindi sinasadyang pagbubuntis sa nakalipas na labing-anim na buwan habang nasa gitna ng pulit-ulit na quarantine ang bansa.
Mas dumami ang panahon ng mga mag-asawa at mga nagsasama na hindi makalabas kaya dumami ang nabuntis, ngunit kapansin-pansing iilan lamang nagpapatingin sa doktor para sa prenatal care.
Kitang-kita ang pagkakaiba noong hindi pa nananalasa ang COVID-19 sa bansa dahil nasa 99 porsiyento ang mga buntis na nagpapatingin sa doktor kumpara ngayon na nasa 61 porsiyento lamang.
Iniulat din ng NEDA na bukod sa unwanted pregnancy ay isa sa bawat tatlong bata na limang taon pababa ang hindi gaano lumaki at isa sa lima ang kulang sa timbang na posible umanong dahil din sa kakulangan ng preparasyon sa pagbubuntis ang dahilan.
Kaya dapat maging responsable sa pagbubuntis hanggang sa makapanganak upang hindi madagdagan pa ang bilang ng mga batang hindi gaano lumaki sa bansa!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments