top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Kailangan pa bang lumala ang pandemya bago tayo magising?

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 10, 2021
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| April 10, 2021


Katatapos lang ng maluwalhatiang pagdiriwang ng Linggo ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Sa kabila ng muling paghihigpit dulot ng panibagong lockdown na extended hanggang ika-11 ng Abril, hindi dapat matalo ang diwa ng malalim na galak dahil totoong Nabuhay ang Panginoon at nagtagumpay Siya sa kasalanan at kamatayan.

Dahil dito, ang diwa ng galak at pag-asa ay binibigyang-diin ng mga Kristiyano na mananampalataya — Katoliko, Protestante o ang iba’t ibang simbahang Kristiyano.


Ngunit, tunay na mahirap ipabatid at ipadama ang hiwaga at biyaya ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon sa gitna ng lumalaganap na pandemya na nagtatapos sa lagim at lungkot ng kamatayan.


Noong isang taon, marami tayong kakilala at kaibigan na nagkasakit at pumanaw dahil sa COVID-19. Pagpasok ng panibagong taon, higit pang dumami ang kaso—nahawa, lumala, na-ospital, namatay. Pero marami rin ang pinalad na gumaling at nakaligtas sa pandemya.


Damang-dama natin ito dahil naranasan nating mahawa at ilang araw din nilabanan ang COVID-19 sa banig ng karamdaman.


Salamat sa mga nars, doktor, med-tech, nurse aids at maintenance personnel ng ospital kung saan tayo na-confine, hindi tumagal ang ating pagpapagaling. Noong ika-anim na araw, nais na tayong pauwiin nang makita tayo noong huling gabi natin sa ospital na ginagamit ang kama bilang lamesa at hindi kamang pahingahan at pagpapagalingan.


Pabirong sinabi ng doktor na pumasok sa kuwarto, “Ang kama ay para matulog at magpagaling, hindi para gamiting lamesa na sulatan at basahan. Mas mabuti po, Father, umuwi na kayo!”


Mapalad ako dahil malakas ang aking katawan nang tamaan ng COVID-19. Noong ikatlong araw, medyo nanghihina pa, inisip ko, “Baka puwedeng mag-jogging?”


At ganun aking ginawa. Noong ikatlong araw ay nag-jogging ako 20-minutes. Noong ikaapat na araw ay 30-minutes, ika-limang araw ay 40-minutes. At noong ika-anim na araw ay halos isang oras. Nagulat at natuwa ako sa resulta ng aking eksperimento. Kung nanghina ako noong unang sinubukan nating tumakbo na marahil ay hindi na ako nakarating ng ikatlo hanggang ika-anim na araw ng pagdya-jogging sa kuwarto natin sa ospital. Subalit, hindi lahat ay gumagaling at hindi rin lahat ang mabilis gumaling. Sa mga nakaraang araw, nagulat tayo bilang Kura-Paroko ng Simbahan sa Barangay Pinyahan nang magkasunod na pumanaw ang dalawang Extra-Ordinary Ministers of Holy Communion. Noong ika-3 ng madaling araw ng Lunes, pagkaraan ng Linggo ng Pagkabuhay, natagpuang patay si Felino Pedro, 63-anyos, ng kanyang asawa.


Noon namang Huwebes, binawian din ng buhay si Jun Puno, 59-anyos. Maalala ng marami sa aming barangay kung ilang libong tao ang pinagluto at pinakain ni Kuya Jun sa programang Kusina Ni Doc Sally (Gatchalian) nang walang bayad.


Walang anumang pabuyang tinanggap si Jun mula sa simbahan. Masaya siyang “volunteer cook”. Sabihin na nating ‘yun ang Panahon ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon para kay Kuya Jun. At habang siya ang naghihirap sa ospital at lumalaban sa COVID-19, dumaan si Kuya Jun sa hirap at panganib tulad ng ating Panginoon na inosenteng ipinapako sa krus pagkatapos siyang paghugasan ng kamay ni Pilato na nagsabi, “Wala akong nakikitang kasalanan sa taong ito, ngunit kung nais n’yo siyang ipapako sa krus, kayo ang may gusto, kayo ang mananagot.”


Ilang kaso lamang sina Felino at Jun ngunit, libu-libo ngayon ang nag-aagaw-buhay sa mga ospital dahil sa mabilis na pagkalat ng virus sa ating bansa.


Sa mga pahayag ng pamahalaan, tila maraming natutulog sa kanila. Gising, mga taong-gobyerno! Gising, mamamayan! Kailangan pa bang lumala nang husto ang pandemya bago tayo magising at gumawa ng tama?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page