Kailan kaya mangyayari ang pagtigil ng patayan sa bansa?

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | November 21, 2020
Mahigit isang buwan na tayong nagpapasalamat sa Panginoon sa katahimikan at kapayapaan na Kanyang kaloob sa aming parokya ni San Isidro Labrador sa Barangay Pinyahan, Quezon City. Matagal-tagal nang walang pinapatay o iniiwang patay sa anumang bahagi ng parokya at barangay mula noong ika-4 ng Setyembre nang binaril at iniwanang patay si Allan Sumayao.
Tuwing may pinapatay, mabigat ang loob nating sinisindihan ang isa pang kandila na dagdag sa mga nakasindi nang sumasagisag sa mga naunang pinatay (EJK) sa ilalim ng programang laban sa illegal droga ng kasalukuyang pamahalaan. Nagsimula tayong magsindi ng kandila noong Agosto nang umabot nang pito ang mga pinapatay sa Bgy. Pinyahan.
Dahil mahigit isang buwan nang nakalilipas, minabuti nating sumulat kay Mayor Joy upang magpasalamat sa kanyang napakahalaga at mabisang pagsulong ng kapayapaan sa barangay. Nais nating magpasalamat sampu ng mga residente ng NIA road sa napakalaking tulong sa kaligtasan at kaayusan ng paglalagay ng mga Street Lights sa kahabaan ng NIA road. Sayang at hindi natin nagawa at napadala agad ang sulat na kasama ang lagda ng mga taga-NIA road na lubos na natutuwa at nagpapasalamat. Sa halip na liham ng pasasalamat, kakaibang liham ang mapararating natin sa mahal na Mayora.
Nabasag ang kapayapaan sa barangay nang nawala si Melchor Umadhay, 38-anyos, mula ika-10 ng Oktubre, 2020. Sinundo ito ng naka-motorsiklo at hindi na muling nakita. Nabalitaan na lang ng kanyang mga magulang na merong natagpuang bangkay ang mga Pulis-Baras sa Barangay Pinugay, Baras, Rizal. Nagtungo ang mga magulang ni Melchor sa Baras Police Station noong ika-25 ng Oktubre. Sinamahan ang mga ito ng mga pulis Baras sa Antipolo Memorial Service. At nang makita ang bangkay ni Melchor sa freezer ng punerarya, doon natapos ang pagtatanong at paghahanap ng mga magulang ni Melchor.
Hindi na natin iuulat ang iba pang detalye ng pagkamatay ni Melchor. Sa detalye lamang ng medico-legal ay sapat nang bumaliktad ang anumang sikmura.
Lubhang napakalungkot na sinindihan natin ang ika-12 kandila noong Biyernes sa misa ng ika-6 ng gabi sa San Isidro Labrador. Patuloy ang panaghoy at panalangin: Panginoon tulungan po Ninyong tumigil na po ang patayan sa Barangay Pinyahan at sa buong bansa.





Comments