Kahulugan ng may giyera at nag-selfie
- BULGAR
- May 26, 2021
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | May 26, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Manuel ng Hong Kong.
Dear Maestra,
Nandito ako ngayon sa Hong Kong. Matagal na akong nagtatrabaho rito at balak nang umuwi for good d’yan sa Pilipinas, subalit hindi natuloy dahil inabutan ako ng pandemic.
Nagpapasalamat ako na mayroong column sa BULGAR tulad nito. Sadyang bawat panaginip ay may ibig ipahiwatig sa ating buhay na siyang magiging gabay natin sa paglalakbay sa mundong ito.
Napanaginipan kong nagka-giyera sa bansang kinaroroonan ko. Nagkagulo ang mga tao at hindi malaman kung saan magtatago upang mailigtas ang sarili mula sa mga bombang sumasabog galing sa mga kaaway. Na-trap ako sa kinaroroonan ko pero hindi naman ako masyadong natakot, sa halip ay panay pa ang selfie ko sa mga nangyayari sa paligid. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Manuel
Sa iyo, Manuel,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na na-trap ka sa giyera ay magkakaroon ka ng hindi pagkakaunawaan sa mga mahal mo sa buhay na nandito sa Pilipinas. Ito rin ay nagpapahiwatig na may matatanggap kang balita mula sa kakilala mo na naglilingkod sa militar.
Samantala, ang panaginip mo na nag-selfie ka ng mga nangyayari sa paligid ay nagpapahiwatig na magpapalit ka ng employer. May mag-aalok sa iyo ng mas mainam at magandang trabaho kung saan tatanggapin mo ito. Lilipat ka na ng bagong pinapasukan at bagong employer. Kalakip nito ang aking panalangin na pagpalain ka nawa ng Maykapal sa bago mong employer at iligtas sa anumang uri ng kapahamakan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments