Kahulugan ng may bagong damit at naging madungis
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | April 15, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rosalie ng Quiapo, Manila.
Dear Maestra,
Dalaga pa ako at panganay sa limang magkakapatid at ulila na sa mga magulang. Kaya bilang panganay, ako ang naghahanapbuhay para makaraos kaming magkakapatid. Tagasubaybay ako ng column n’yo at dati ay nasisiyahan na ako sa pagbabasa lamang, subalit ngayon ay parang gustung-gusto ko na ring sumangguni sa iyo tungkol sa panaginip ko.
Napanaginipan kong may bago akong damit at napakaganda nito at bagay na bagay sa akin. Subalit nang sumunod na gabi, kabaligtaran ang napanaginipan ko kung saan lumang-luma na ang suot kong damit at nanlilimahid ako. Ang ginawa ko ay bumili ng mumurahing tela at tinahi ko ‘yun para isuot ko. Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip ko?
Naghihintay,
Rosalie
Sa iyo, Rosalie,
Ang ibig sabihin ng una mong panaginip na may suot kang bagong damit ay matatagalan pa ang mga paghihirap mo sa kasalukuyan. Ibig sabihin, marami pang pagtitiis ang sasapitin mo kung saan halos gusto mo nang sumuko at wakasan ang iyong buhay, pero huwag kang mabahala. Matatapos na paghihirap mo dahil ang sabi mo, nang sumunod na gabi, napanaginipan mo naman na lumang-luma at nanlilimahid na ang suot mong damit. Ito ay nagpapahiwatig na may makikilala ka na makatutulong upang makaahon ka sa kahirapan. Gayundin, magkakagusto siya sa iyo, liligawan ka niya at pakakasalan. Hindi magtatagal, magkakaroon kayo ng anak na labis n’yong ikatutuwa. Dahil dito, ngayon pa lang ay binabati na kita sa magandang kapalarang malapit ng mapasaiyo.
Ang buhay ay sadyang ganyan at hindi dapat mawalan ng pag-asa ang bawat isa dahil ang Diyos ay makatarungan. Alam Niya kung ano ang nararapat na pagpapala sa bawat isa, basta’t nananalig at nagtitiwala sa Kanya nang walang halong pag-aalinlangan.
Nawa ay nasiyahan ka sa kahulugan ng mga panaginip mo na iyong isinangguni sa akin. Patuloy ka nawang pagpalain ng Diyos Amang makapangyarihan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments