top of page

Kahit WFH tuwing Biyernes... DOF, tuloy ang serbisyo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 1 min read

ni Mylene Alfonso @Business News | March 12, 2026



Department of Finance - FB

Photo: Department of Finance - FB



Ipinahayag ng pamunuan ng Department of Finance (DOF) na magpapatupad sila ng work-from-home (WFH) tuwing Biyernes gayundin ang mga attached agency nito bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan para makatipid sa kuryente at gasolina habang tuloy ang serbisyo sa publiko. 


Ang naturang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na bawasan ng 10% hanggang 20% ang konsumo ng enerhiya ng mga ahensya ng gobyerno sa gitna ng mga hamon sa pandaigdigang ekonomiya. 


Sa ilalim ng bagong work arrangement, papasok sa opisina ang mga empleyado mula Lunes hanggang Huwebes, habang work-from-home naman tuwing Biyernes simula nitong Marso 9. 


Nabatid na saklaw ng patakaran ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC), Bureau of the Treasury (BTr), at Securities and Exchange Commission (SEC). 


Kasama rin sa susunod sa bagong sistema ang Insurance Commission, Philippine Tax Academy, National Tax Research Center, Privatization and Management Office, Bureau of Local Government Finance, at Central Board of Assessment Appeals. 


Ayon kay Frederick D. Go, layunin ng patakaran na tiyaking tuluy-tuloy at episyente ang serbisyo ng gobyerno habang tumutulong sa pagtitipid sa enerhiya. 


Binigyang-diin ni Go na mahalaga ang koordinasyon ng DOF at mga attached agency nito upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng bagong work setup nang hindi naaantala ang serbisyo sa mamamayan. 


Nakasaad ang patakaran sa Memorandum Circular No. 114 na nag-uutos sa mga ahensya ng gobyerno na magpatupad ng energy-saving measures kabilang ang mga work arrangement na makababawas sa paggamit ng kuryente at gasolina.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page