Kahit start ng full in-person classes… 10 paaralan sa QC, blended learning pa rin
ni Lolet Abania | November 2, 2022

Mananatili ang 10 eskuwelahan sa Quezon City sa blended learning dahil sa kakulangan ng klasrum, ayon sa isang school division official ng Department of Education (DepEd) ngayong Miyerkules.
Batay sa DepEd, ang full face-to-face classes sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa ay sinimulan na ngayong araw, Nobyembre 2, subalit may mga eskuwelahan na pinapayagan naman ang ilang exemption.
Ayon kay Dr. Jenilyn Rose Corpuz, DepEd Schools Division Superintendent ng Quezon City, 10 sa 158 eskuwelahan sa lungsod ang hindi pa makabalik sa tradisyunal na klase ng pagtuturo.
“May delivery pa rin sila kahit 100-percent face-to-face [classses]. Ten out of 158 [schools],” pahayag ni Corpuz.
Ang mga paaralan na problema pa rin sa mga klasrum ay Justice Cecilia Munoz Palma High School; Bagong Silangan High School; Batasan High School; Balara High School; San Bartolome High School; Novaliches High School; Dona Rosario High School; Ismael Mathay Senior High School; New Era High School; at Emilio Jacinto High School.
“Kulang classrooms sa mga schools na nabanggit kaya they have to resort to blended learning,” saad ni Corpuz.
Aniya pa, hindi umano mahihirapan sa blended learning ang mga estudyante dahil may ipinamahaging tablet ang lokal na pamahalaan ng Quezon City.
Hinimok naman ni Corpuz ang mga estudyante na magsuot pa rin ng face mask sa kabila ng pagpayag ng DepEd na gawing optional na lamang ang paggamit nito sa mga paaralan, alinsunod ito sa Executive Order No. 7.
Samantala, ayon sa DepEd, 94 porsiyento ng mga paaralan ang nakapagpatupad na ng full in-person classes sa National Capital Region (NCR) ngayong Miyerkules.





Comments