top of page

Kahit sino maaaring mabiktima ng deepfake porn, mag-ingat!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 9
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 9, 2025



Boses by Ryan Sison


Kung dati ay fake news at online gambling ang laman ng mga balita, ngayon naman ay mas masahol na banta ang kinakaharap ng lipunan, ito ang deepfake pornography. 

Sa bilis ng ating teknolohiya, mas mabilis din ang pag-usbong ng krimeng sumisira sa reputasyon at pagkatao ng mga indibidwal. 


Aminado ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na hirap silang matunton ang mga utak sa likod ng paggawa ng deepfake porn. 


Ayon kay Acting Executive Director Aboy Paraiso, karamihan sa mga ‘mastermind’ ng ilegal na gawain ay nagtatago sa labas ng bansa. Hindi tulad ng fake news na madaling ma-detect sa social media, mas mahirap tukuyin ang deepfake content dahil madalas itong ipinapakalat sa dark web. Ipinaliwanag din ng opisyal na ang problema pagdating sa pornographic at adult content, sa dark web ginagawa ng mga kriminal ang ganitong transaksyon at hindi sa socmed.


Bagama’t mabilis umano ang pagtugon ng social media platforms para alisin ang naturang mga materyales, nananatiling vulnerable ang mga artista at influencer dahil lantad ang kanilang mga larawan online. 


Isa na rito ang beteranang aktres na naging biktima ng deepfake porn, gayundin ang anak ng isang social media personality. Kapwa sila nagpahayag ng pagkondena laban sa ginawang kalaswaan sa socmed, kung saan umabot pa ang pagdinig sa Senado. 


Sa usapin ng deepfake porn, malinaw na hindi sapat ang kasalukuyang mga batas. Kaya naman suportado ng CICC ang panawagan para sa mas mahigpit na regulasyon at mga batas laban dito. 


Gayunpaman, sa kabila ng mga plano at aksyon ng gobyerno, isang masakit na katotohanan na sa bilis ng ating teknolohiya, laging nauuna ang mga kriminal kaysa sa batas. 


Kung tutuusin, hindi lang ito usapin ng privacy at reputasyon, ito’y isyu ng dignidad at pagkatao. Ang isang larawan na kinuha nang walang pahintulot at ginawang kasangkapan para sa kalaswaan ay maituturing na isang uri ng digital na panggagahasa. Ang pinsalang dulot nito ay hindi basta nabubura, dahil ang internet ay merong digital footprints na madaling mahanap at mabilis ipakalat. 


Kaya dapat, habang hinihintay ang konkretong aksyon mula sa gobyerno, maging mas mapanuri at responsable ang bawat isa. Habang maging maingat tayo sa lahat ng oras lalo na sa paggamit ng internet. 


Tandaan natin na hindi lahat ng nakikita online ay totoo, at hindi rin lahat ng content ay nakabubuti. 


Gayundin, ang laban sa deepfake ay hindi lamang laban ng mga biktima o ng gobyerno, kundi ng bawat Pinoy na handang ipagtanggol ang dangal at katotohanan sa cyberspace.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page