Kahit senior at may health issues.. Laya kay de Lima, tablado

ni Mai Ancheta | June 8, 2023

Hindi pinagbigyan ng korte sa Muntinlupa City ang hirit na makapagpiyansa si dating Senadora Leila de Lima sa kanyang huling natitirang kaso sa ilegal na droga.
Dahil dito, lumabo ang pag-asa ng dating mambabatas na makalabas sa kanyang detensyon sa Camp Crame Custodial Center.
Ayon kay Atty. Boni Tacardon, abogado ni De Lima, nalulungkot sila sa pagkakabasura ng petisyon ng kanyang kliyente.
"Sad to inform you that the Court denied Sen. Leila' bail application," ani Tacardon.
Batay sa inisyung order ni Muntinlupa Regional Trial Court Branch 256 presiding Judge Romeo Buenaventura nitong Miyerkules, hindi nito pinayagan ang kahilingang makapagpiyansa ng dating senadora sa kanyang natitirang drug case sa korte.
Hindi umano kumbinsido ang korte sa mga inilatag na argumento ng kampo ni De Lima.
Hindi umano sapat ang mga inconsistency, pagkakaiba at pagkakasalungat ng mga salaysay ng mga saksi para i-discredit ang kanilang mga testimonya.
Hindi umano compelling ang dahilan ni De Lima na senior citizen na siya at may ilang problema sa kalusugan lalo’t inamin nitong wala naman siyang matindi o life-threatening na karamdaman.
Matatandaang naabsuwelto si De Lima sa una at ikalawang drug case nito at isa na lamang ang natira sa korte na nagpapahaba sa kanyang pananatili sa detensyon.
Nangako naman ang abogado ni De Lima na maglalabas sila ng pahayag hinggil sa pagkakabasura ng petisyon nila para makapagpiyansa ang kanilang kliyente.





Comments