top of page
Search
BULGAR

Kahit senador na, aminadong 'di sapat… "SISTEMA TALAGA, BULOK. KAILANGAN NATING BAGUHIN 'YUN" — ROBIN

ni Janiz Navida @Showbiz Special | July 4, 2024



Showbiz News

Balik-pelikula ang action star-turned senator na si Sen. Robinhood Padilla para sa biopic ng dati ring senador na lodi niya, si Sen. Gregorio "Gringo" Honasan II.


Si Sen. Robin ang napili ni Atty. Ferdinand "Ferdie" Topacio na producer ng Borracho Films para gumanap sa GRINGO: The Greg Honasan Story, na hopefully daw ay makapasok bilang isa sa mga entries sa Metro Manila Film Festival 2024.


Inunahan na ni Sen. Robin ang mga bashers na mag-aakusa sa kanya na mapapabayaan niya ang kanyang trabaho sa Senado, dahil tiniyak ng aktor-pulitiko na hindi siya magsu-shooting kapag may Plenary hearing.


Kaya lang daw siya nakapag-shooting this week ay dahil naka-break sila sa Senado.

Panimula ni Sen. Padilla, "Malulungkot sila 'pag 'yun ang kanilang ibinato kasi kahit mga taga-Senado ang tanungin nila, isa lang ang sasabihin ng mga nandu'n, isa tayo sa mga pinakamasipag du'n."


Tinanong namin ang noon pa ma'y kilala na naming pilantropo — pero ngayon ay isa na ngang pulitiko — kung nae-enjoy na ba niya ang pagiging politician.


Nagpakatotoo naman si Sen. Robin sa pagsasabing, "Hindi ko mae-enjoy 'to, hindi ko mae-enjoy 'to. Iba, iba ang pagiging politician kasi mahirap matulog sa gabi. 'Di kagaya ng artista, masarap matulog."


"Wala kang peace of mind?" tanong namin kay Sen. Robin?

Diretsong sagot niya, "Wala, wala. Kasi ito, nagtrabaho ka na, tumulong ka na… 'Yung bash, 'di ko masyadong… sarili ba… Pagdating mo sa bahay, 'pag natutulog ka na, maiisip mo 'yung ang dami pa ring taong nagugutom. Iba 'yung artista ka, eh. 'Pag artista ka, 'pag tumulong ka, 'pag nagbigay ka ng pera, pag-uwi mo, masaya ka. Kasi hindi mo naman job 'yun, eh. Hindi mo tungkulin 'yung tumulong. Pero dahil ginagawa mo, ang saya-saya mo.

"Pero 'yung job mo na ayusin ang buhay ng Pilipino, tapos uuwi ka sa bahay na," sabay iling, "ang hirap. Napakahirap."


So, ngayon niya ba napatunayan na kahit pala naging senador na siya, 'di pa rin niya magampanan 'yung advocacy na gusto niyang gawin?

"Hindi, eh. Kasi 'yung sistema talaga bulok, sobrang bulok ng sistema natin. Kailangan nating baguhin 'yun," mariin pang sabi ng aktor-senador.


At para maisakatuparan niya ang mga gusto niyang pagbabago, may ambisyon ba siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon?

"Ay, wala. Ang gusto ko, mabago ang saligang batas. 'Yun ang gawin natin," sagot ni Sen. Robin.


Inamin din ng aktor-pulitiko na ang mas masakit para sa kanya ngayon ay 'yung nakapasok na siya sa pulitika at pilit na nilalabanan ang bulok na sistema pero hindi siya makaungos o makagalaw.


"Kasi 'yung system mismo, kakainin ka, 'tol, buong-buo," pag-amin ni Sen. Robin.

Tsk, tsk! 'Yun lang talaga!!! 

'Yun na lang daw ang nasabi namin, oh! Hahaha!


 

NATUTUWA naman kami para sa noon pa man ay malapit na sa aming puso na si Ms. Flawless Angelica Jones (Angelica B. Alarva in real life).


Mula nu'ng nagsisimula pa lang si Angelica bilang sexy comedienne, nakagawa ng pangalan bilang leading lady ni Vhong Navarro sa Mr. Suave, hanggang sa naging board member na sa 3rd District ng Laguna, at kahit ngayong National Chairman na siya ng Project Watch ng JCI Senate Philippines, hindi nila kami nakakalimutan ng kanyang very supportive mom na si Mommy Beth Jones.


Last Saturday night, inimbitahan nga kami nina Angelica at Mommy Beth (na by the way ay ninang din namin sa kasal) para sa dinner concert for a cause na inorganisa ng mag-ina titled Time to Watch na tinampukan ng ilang baguhang singers, ni Angelica herself (na kahit paos ay kumanta pa rin), Lance Raymundo at ng Jukebox Queen na si Ms. Imelda Papin, na ngayon ay PCSO director na.


Ang naturang dinner concert for a cause ay para sa fundraising project ni Angelica na National Chairman nga ngayon ng JCI Senate Phils.. 

Layunin ng naturang non-profit organization, na binubuo ng mga public servants, leaders, entrepreneur at iba pa, na makapagbigay ng tulong sa mga less fortunate nating kababayan.


Kaya masaya si Angelica dahil mas lumawak daw ang kanyang nagagawa ngayon kumpara nu'ng board member pa lang siya, dahil saanmang lugar sa ating bansa ay puwede na nilang mapaabutan ng tulong like books donation, wheelchair at iba pang medical supplies.


Natanong nga namin si Angelica kung willing ba siyang tumakbo sakaling alukin siya ng mas mataas na posisyon sa gobyerno para mas marami pa siyang matulungan.


Pag-amin naman niya, maraming alok sa kanya like tumakbong vice-governor, partylist representative at congresswoman, pero ayaw pa raw niyang isipin ang mga ito ngayon.


Mas gusto raw niya kung saan siya komportable at meron siyang peace of mind at masaya siya sa ginagawa niya ngayon bilang National Chairman ng Project Watch ng JCI Senate Phils.


At kahit busy sa pagiging National Chairman, tumatanggap pa rin naman daw siya ng acting projects dahil ito naman talaga ang bread and butter niya lalo't single mom siya. 


In fact, last July 1 nga raw ay may taping siya para sa Ginto sa Basura episode ng Wish Ko Lang kung saan gaganap siyang kontrabida ni Andrea del Rosario.

Well, congrats, Angie for this new feather in your cap and good luck!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page