Kahit nangialam na ang PNP at NBI… Isyu ng mga nawawalang sabungero, wa’ pa rin usad
- BULGAR
- Feb 25, 2022
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | February 25, 2022
PALALA nang palala ang epekto ng talamak na operasyon ng e-sabong.
Umabot na sa 30 katao ang dinukot at nawawala na pinaniniwalaang kagagawan ng mga sindikato at pusakal na sugarol sa bansa.
Iimbestigahan ng Senate Committee on Peace and Order and Illegal Drugs na pinamumunuan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang misteryosong pagkawala ng mga cock handlers, ahente at iba pang nagtatrabaho sa sabungan!
◘◘◘
WALANG linaw ang kaso gayung pumasok na ang NBI at PNP.
Ito ang sinasabi ni Senatorial aspirant at dating Speaker Alan Peter Cayetano nang tutulan niya ang pagbibigay ng prangkisa ng Kongreso sa mga e-sabong firms!
◘◘◘
AYON kay Cayetano, pandemya ang e-sabong dahil walang malinaw na regulasyon tungkol dito at kahit menor-de-edad ay lulong na sa talpakan.
Walang kaabug-abog na inilusot ng Kamara ang pagbibigay-prangkisa sa Lucky 8 Quest Inc. na e-sabong company!
◘◘◘
KASAMA sa mga lumagda sa prangkisa ng e-sabong ay ang mga reelectionist senators pa na sina Miguel Zubiri at Sherwin Gatchalian.
Bilang kasapi ng Committee on Public Service, ano kaya ang sey nila sa krimen na nagaganap dahil sa e-sabong ko kapalit ng sinasabing P2.8-B na kikitain ng gobyerno.
◘◘◘
GUMAGRABE na ang giyera ng Russia at Ukraine.
Nagtatangkang sumaklolo ang ibang bansa pero nai-intercept ng Russian air force at naval forces.
Kinontrol na ng Russia ang air space at karagatan.
Kapag nagbombahan, diretso na ‘yan sa European War.
◘◘◘
KAPAG sumawsaw ang China, puwedeng masangkot ang Pilipinas, Japan, South Korea at Australia.
‘Yan ay posibleng maging mitsa ng kinatatakutang World War III.
◘◘◘
WALANG opisyal na pahayag ang Palasyo maliban sa paglilikas ng overseas Pinoy mula sa Ukraine.
Panibagong trahedya ito sa buhay ng mga Pinoy!
◘◘◘
TINATAMAD ang mga tao na magpa-vaccine kontra COVID-19.
Wala na kasing nahahawa.
Saan kaya dadalhin ang mga bakuna na malapit nang mag-expire?
◘◘◘
ANG dami pa kasing tsetse-buretse bago magbakuna kaya’t tinatamad ang mga tao na magpunta sa vaccination center.
Paluwagin dapat ang rekisitos upang magpabakuna ang mga tao!
◘◘◘
KUNG puwede, ibigay sa barangay health workers ang trabaho.
Payagan na rin dapat ang 4th doses o boosters at mixed vaccines!








Comments