Kahit lagpas na ng Pasko… Kadiwa ng Pasko, tuluy-tuloy – P-BBM
ni Lolet Abania | December 17, 2022

Ipagpapatuloy pa rin ng gobyerno ang Kadiwa ng Pasko program kahit lumipas na ang Kapaskuhan para matiyak na makabibili pa rin ang mga konsyumer ng mga produktong agrikultural sa mas mababang halaga, ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Ngayon po, ipapaliwanag ko po, alam ko po ang nakapangalan ay Kadiwa ng Pasko, ngunit parang ginawa namin itong pilot project lamang. Hindi po. Kahit na matapos na ang Pasko, ipapagpatuloy po natin ito para merong pagkukuhanan ang ating kababayan ng mas murang bilihin,” pahayag ni Pangulong Marcos sa inilunsad na Kadiwa ng Pasko caravan sa Malanday Covered Court sa Valenzuela City ngayong Sabado.
Ayon sa Pangulo, nang simulan nila ang Kadiwa program sa panahon ng kanyang termino, wala pa o halos nasa 20 lamang mayroon ng naturang rolling stores sa Metro Manila. Subalit ngayon, may mahigit sa 350 Kadiwa rolling stores na sa bansa.
“Ang Kadiwa sa Pasko ay ang aming munting pagtulong para naman maging mas masaya ang ating Pasko itong taon na ito,” saad ni P-BBM.
Pinasalamatan din ni Pangulo Marcos ang Department of Agriculture, Department of Trade and Industry (DTI), at mga traders at manufacturers na dumalo sa nasabing event ngayong Sabado, habang si reappointed DTI Secretary Alfredo Pascual ay naroon din sa Kadiwa launch sa Valenzuela City.
“Kaya’t mabuti ito, itong Kadiwa, hindi lamang nabibigyan ng pagkakataon ang taumbayan na makabili ng kailangan na bilihin sa mas mababang presyo, ngunit nabibigyan din natin ng pagkakataon ang mga local producers ng mga maliliit na produkto na meron silang merkado, meron silang palengke kung saan sila maaaring pumunta at ipagbili ang kanilang mga ginawang gamit. Kaya po marami po tayong nakikita na advantage sa ating ginagawa na Kadiwa ng Pasko,” sabi ng Pangulo.
Kasama rin sa nag-participate sa Kadiwa ng Pasko ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Food Authority (NFA) at ang mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced (TUPAD) Workers Program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Matapos nito, nagtungo si Pangulong Marcos sa isang warehouse ng National Food Authority (NFA) sa Valenzuela City ngayong umaga para i-check ang kanilang suplay ng bigas.
Sinabi ng Punong Ehekutibo na nagtungo siya sa NFA warehouse dahil nais niyang makita kung saan nanggagaling ang mga suplay ng bigas na ibinibenta sa Kadiwa stores.
Aniya pa, mayroong sapat na suplay ng bigas at mas marami pa ang darating.





Comments