Kahit kani-kanya na… CARLO, UMAMING LABS PA RIN ANG NANAY NG ANAK

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | April 1, 2022

Inakala naming hindi makakadalo si Carlo Aquino sa face-to-face mediacon ng YouTube series na How to Move On in 30 Days na ginanap sa ABS-CBN Dolphy Theater dahil ang nasa imbitasyon ay "to be confirmed" kaya nang makita siya ng invited press/vloggers ay talagang natuwa.
Simula kasi nang maghiwalay sila ng nanay ng anak niyang si Mithi na si Trina Candaza ay wala nang narinig mula sa kanila.
Sa tanong kung paano siya naka-move on na sakto sa titulo ng series nila kasama sina Maris Racal, John Lapus, Jai Agpangan, Poppert Bernadas, Phoemela Baranda, Kyo Quijano, Sachzna Laparan, John at Albie Casino, “Parang walang timeline, eh. ‘Yung moving on, parang proseso ‘yan. In time, mawawala siguro. Mawawala na lang siya eventually.
Minsan nga, hindi mo alam, naka-move-on ka na pala,” say ng aktor.
Dagdag pa, "Spend time with friends. Nature, punta sa dagat, sa bundok. Kuwento nang kuwento sa mga kaibigan hanggang manabang sila. Pero hindi naman importante na sila ‘yung manabang, kasi kailangan ‘yung sakit mo ‘yung manabang. So, ikukuwento mo pa rin kahit ayaw na nila, hanggang sa mawala na ‘yun."
At malalaman daw ng isang tao na okay na siya kapag, “Tanggap mo na lahat ‘yung sitwasyon, kung ano ‘yung nangyari sa inyo at kung bakit nangyari ‘yun. Kumbaga meron ka nang eksplanasyon sa sarili mo na tatanggapin mo, tapos magmu-move on ka na. Okay na ‘yun. Next.”
Sabi pa niya sa isang hiwalay na panayam, “Talagang kailangan mong i-surround ‘yung sarili mo sa mga taong magsa-shower sa ‘yo ng pagmamahal. ‘Yung mga kaibigan, ‘yung pamilya mo.”
At may ikalawang pagkakataon pa ba ang nakahiwalayang karelasyon?
“Siguro, depende doon sa napagdaanan n'yo. Hindi naman kailangan na may kasalanan, pero depende siguro kung paano ‘yung naging relationship n'yo nu’ng kayo pa.
“Para ma-justify mo na puwede ulit, puwede kong i-try ulit with this someone. Pero kung sobrang bigat ng pinagdaanan, parang mahirap na."
Bagama’t hindi magkasama sa iisang bubong sina Carlo at Trina ay hindi naman niya diretsong inaming hiwalay na sila ng nanay ng anak niyang si Enola Mithi dahil in speaking terms sila at maganda ang setup nilang co-parenting sa anak.
Kumusta bilang daddy si Carlo?
“Ang sarap makita ‘yung ano…semilya mo, ha, ha, ha!” humahalakhak na sagot ng aktor.
“Ang sarap kasi meron pa palang ibang pagmamahal na hindi ko pa alam. Ang sarap lang na ‘yung pinagtatrabahuhan mo ay hindi na lang para sa ‘yo kundi para sa anak mo na.
“Saka ang sarap talagang amuyin. Minsan, natutulog sa akin, tapos kahit awkward ‘yung posisyon mo, hindi ka gagalaw kahit two o tatlong oras na nakahiga, ngawit na ngawit ka na, hindi mo na maramdaman ‘yung kamay mo, basta hindi lang magising ‘yung anak mo,” masayang kuwento ng aktor.
Nabanggit ding nag-a-out of town sila para maipasyal ang bagets at nang malamigan naman sa masarap na simoy ng hangin.
Kapag hindi na-expose si Carlo sa mga tao ay anytime, puwede niyang makasama ang anak at overnight din minsan, pero kapag na-expose ay naghihintay siya ng tamang araw na puwede na niyang makasama si Mithi.
Sa tanong namin kung mahal pa niya si Trina, “Oo naman, hindi naman mawawala, nanay siya ng anak ko.”
Ang How To Move On in 30 Days ay ang unang collaboration ng ABS-CBN at YouTube mula sa produksiyon ng Dreamscape Entertainment at mapapanood na sa April 4.
Makakasama rin dito sina Phoemela Baranda, John Lapus, Albie Casiño, Jai Agpangan, Sachzna Laparan, Kyo Quijano, Sherry Lara, Poppert Bernadas, Hamie Harrar, Elyson de Dios at James Bello, sa direksiyon nina Benedict Mique at Dick Lindayag.





Comments