top of page

Kahit kani-kanya at hiwalay na… DONNY, SUPORTADO PA RIN SI BELLE

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 35 minutes ago
  • 3 min read

ni Melba R. Llanera @Insider | November 13, 2025



Donny at Belle

Photo: File



Emosyonal si Rodjun Cruz sa pagkapanalo nila ng kapareha niyang si Dasuri Choi bilang grand champion sa katatapos na Stars On The Floor (SOTF) ng GMA-7. 

Pagbabahagi ni Rodjun, 18 taon na mula nang mag-champion siya sa dance show ng ABS-CBN, ang You Can Dance (YCD), at ngayon nga ay nag-champion siyang muli sa SOTF.


Pagbabalik-tanaw ng Kapuso actor, 18 years ago ay pinapanood pa siya ng namayapang ina, kung saan magkalaban pa sila noon ng asawang si Dianne Medina. 

Pero ngayon ay pinapanood na siya ng asawa kasama ang mga anak nilang sina Ysbella at Joaquin, at kanyang kapatid na si Rayver Cruz.


Nang tanungin namin kung ano sa palagay niya ang mayroon sa tambalan nila ni Dasuri at sila ang nanalo, para kay Rodjun ay malaking bagay na nagkasama na sila dati pa ni Dasuri sa TikToClock (TTC) at Eat…Bulaga! (EB!). Bukod pa rito, pareho silang palaban,

positibo, at talagang pinagtrabahuhan nila nang husto. 


Kung may hindi sila makuhang steps sa rehearsal ay uulitin nila ito nang uulitin hanggang makuha ang tamang galaw.


Natutuwa rin si Rodjun dahil ang pagkapanalo nila ay patunay lang na age is just a number, kung saan edad 20s o 30s ang mga kalaban nila, samantalang magpo-40 na si Rodjun.


Masaya at kuntento sa relasyon nila ng asawang si Dianne, mahigit 10 taon na ang pagsasama ng dalawa kung isasama ang relasyon nila bilang magkasintahan. Wala na ring lugar ang selos sa relasyon nila, lalo’t siniguro sa amin ni Rodjun na loyal at sobrang mahal niya si Dianne at ang kanilang mga anak.


Nakakabilib din dahil kahit sabay silang pumasok sa show business ay hindi nagkaroon ng sibling rivalry sa pagitan nila ng nakababatang kapatid. 


Pagkukuwento ni Rodjun, masaya sila sa bawat tagumpay ng bawat isa at walang espasyo sa kanila ang inggit sa nararating ng bawat isa.



“Malaking challenge s’yempre, nakakapanibago. Quite some time, actually lahat ng shows, if I would do a series, it would be with Belle most of the time,” ito ang naging pahayag ni Donny Pangilinan sa presscon proper ng Roja, kung saan tinanong namin siya kung may pressure ba sa parte niya na hindi niya kasama sa proyektong ito ang kapareha at ipinapakilala siya bilang solo actor.


Pahayag pa ni Donny, “For the past 5 years, 6 years magkasama kami, I think this is something we both talked about talaga. She’s also been able to do her own projects. I didn’t know what to expect, ‘di ko rin alam kung ano ang magiging relationship ko with the cast members, kung ano ang magiging dynamics namin.


“It’s also my first time to do a project na ‘yung co-lead ko is someone na kaibigan ko rin na lalaki. It’s really a different dynamic, ‘di ba? That in itself s’yempre, may pressure but I also knew it will also give me growth and maturity. When you leave that comfort zone, doon mo mararamdaman talaga ‘yung mga emotions na ‘di mo naramdaman dati, ‘yung mga eksena na ‘di mo nagagawa.”

Diin niya, “Belle and I are very supportive towards each other.”


Nang mapanood namin ang unang tatlong episodes ng Roja na nagpapakita rin na kaya niyang makipagsabayan kay Kyle Echarri pagdating sa aksiyon at kahit sa pag-arte, patunay lang ito na puwede nang i-push si Donny bilang solo actor. 

Samantala, naghiyawan ang mga DonBelle fans nang i-promote ng Kapamilya actor ang pelikulang Meet, Greet & Bye (MG&B), kung saan isa sa cast si Belle, patunay lang na buo talaga ang suporta nila sa isa’t isa.


Hindi rin matatawaran at powerhouse ang cast ng Roja mula sa mga lead actors na sina Donny at Kyle Echarri, Maymay Entrata, Raymond Bagatsing, Joel Torre, Lorna Tolentino, Nikki Valdez, Cris Villanueva, Sandy Andolong, Kaila Montinola, Emilio Daez, Lou Yanong, Robert Sena, Rikki Mae Davao at marami pang iba.

Ito ay sa ilalim ng direksiyon nina Direk Law Fajardo, Direk Andoy Ranay, Raymund Ocampo at Rico Navarro, sa produksiyon ng Dreamscape Entertainment. 


Mapapanood ito simula November 21 sa Netflix, November 22 sa iWant, at November 24 sa ganap na 8:45 ng gabi sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z at TV5.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page