ni Anthony E. Servinio @Sports | July 5, 2024
Kahit bigo ang Gilas Pilipinas sa Georgia, 96-94, sapat na ito upang makapasok sa semifinals ng 2024 FIBA Olympic Qualifier Huwebes ng gabi sa Arena Riga. Ito ay wala pang 24 oras matapos ang kanilang dambuhalang tagumpay sa host at FIBA World #6 Latvia, 89-80.
Nagtapos ang tatlong nabanggit na koponan na pantay sa 1-1 panalo-talo sa Grupo A. Dahil dito, binilang ang kabuuang inilamang sa dalawang laro at lumabas na numero uno ang Latvia (+19), pangalawa ang mga Pinoy (+7) at nahulog ang Georgia (-26). Pinabayaan ng Gilas na umarangkada agad ang Georgia sa 16-0 lamang.
Inabot ng mahigit limang minuto bago naka-shoot si Justin Brownlee ng tres upang mabasag ang katahimikan. Nagising ang mga Pinoy sa third quarter at nagsanib-puwersa sina Brownlee, Dwight Ramos, Chris Newsome at Carl Tamayo upang mabura ang 55-43 lamang ng Georgia at itabla ang laro papasok sa huling quarter, 74-74. Kailangan ng Georgia na magwagi ng mahigit 18 puntos upang mapaboran sa tabla ng kartada at matanggal ang Pilipinas subalit hindi ito nangyari.
May pagkakataon magwagi, huling tinikman ng Gilas ang lamang sa buslo ni CJ Perez, 81-80, at 7:16 sa orasan. Kinapos sa huli at nagtrabaho ang mga NBA player Alexander Mamukeshvili na nagtala ng 26 at Goga Bitadze na may 21 upang maisalba ang panalo subalit nabitin pa rin sila sa huli sa gitna ng matalinong laro ng Pilipinas.
Nanguna muli si Brownlee na may 28 puntos at tig-walong rebound at assist. Sumunod sina Ramos na may 16, Perez na may 14 at Newsome na may 13. Haharapin ng Gilas sa semifinals ang isa sa Brazil, Montenegro o Cameroon mula Grupo B. Maglalaro pa ang Brazil at Cameroon upang matukoy kung sino ang papasok.
Comments