Kahit babae na ang Mayor ng Maynila at Malabon, tuloy pa rin ang illegal gambling
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 2, 2022
SA PANAHON NGAYON, HINDI NA SAPAT ANG P50 SA PAMASAHE AT BAON NG ESTUDYANTE—Kung may mga magulang na pabor sa pagbabalik ng face-to-face class, meron din namang tutol dito at ang dahilan ng mga ayaw sa face-to-face class ay ang mahal na pamasahe at presyo ng mga panindang pagkain.
Problema talaga ito sa ilang parents kasi kung noon ay sapat na ang P50 para sa pamasahe at baon ng kanilang anak, ngayon ay hindi na ito kakasya kasi sa pamasahe lang sa jeep kung dalawang sakay papasok sa iskul, sa P10 minimum ay P40 ito sa balikan, at ang matitirang P10 ay hindi na kasya pang-lunch at meryenda.
Bilang DepEd (Department of Education) Secretary, dapat solusyonan ni Vice-Pres. Sara Duterte-Carpio ang idinaraing na problema ng mga parents kasi kung wala siyang gagawing aksyon, malamang ay maraming estudyante ang tumigil sa pag-aaral sa face-to-face class.
◘◘◘
KAHIT SINONG MAGING ALKALDE NG MAYNILA, UNTOUCHABLES ANG RAKET NINA 'BOY ABANG' AT 'LORNA'---Inakala ng mga taga-Maynila na ngayong babae at doktor pa ang alkalde nila ngayon, sa katauhan ni Mayora Honey Lacuna ay matitigil na ang raket na bookies nina "Boy Abang" at "Lorna," pero hindi kasi imbes na matigil ay lalo pang lumawak ang kanilang illegal gambling operations sa lungsod.
Napaka-untouchable talaga nina "Boy Abang" at "Lorna" kasi kahit sino pa ang maging mayor ng Maynila ay hindi natitigil ang kanilang raket na bookies.
◘◘◘
AKALA NG MGA TAGA-MALABON STOP NA ANG ILLEGAL GAMBLING NGAYONG SI MAYOR JEANNIE SANDOVAL NA ANG MAYOR, HINDI PALA—Sa Malabon City, babae rin ang alkalde ngayon sa katauhan ni Mayor Jeannie Sandoval at sa pag-upo niya sa city hall ay noong una ay kinabiliban siya dahil pina-stop niya ang operasyon ng lotteng nina "Mario" at "Atan" sa lungsod.
Akala talaga ng mga residente ay bawal na ang mga illegal gambling sa Malabon ngayong si Mayora Jeannie na ang alkalde, pero laking gulat nila nang may mga bagong ilegalistang pumasok, sila ay sina alyas Lina Robles at Ponga.
Pero ang matindi, hindi lang lotteng ang ipinasok sa raket ng mga ito sa lungsod, kundi pati sakla.





Comments