top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Kahirapan sa ‘Pinas, hindi haka-haka lang sa rami ng korup

Writer: BULGAR
BULGAR
May 19, 2024
1 min read

@Editorial | May 19, 2024



Editorial


Haka-haka lang umano ang paniniwala na mahirap ang buhay ngayon sa Pilipinas.

Ito ang paliwanag ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon. 


Hinalimbawa niya kasi ang dami ng tao sa mga shopping mall at mga kainan, bukod pa sa rami ng sasakyan sa lansangan.


Nagpapakita lamang umano ito na may kakayahan ang mga Pinoy na gumastos.


Ang iginigiit pa ng kalihim, malaki ang ibinaba ng antas ng kahirapan sa bansa dahil mula sa 24.7% noong nakaraang taon ay bumaba umano ito sa 23.4% ngayong 2024.


Kung ang pagbabasehan lang ay ang bilang ng mga tao sa mga mall at napakaraming sasakyan sa kalsada ay parang binalewala na rin ang mga nakatira sa liblib na lugar, lansangan, at iba pang lugar na nagpapakita ng kahirapan.


Mas lalo pang naghihirap ang taumbayan dahil sa rami ng korup. ‘Yung pondong galing sa mamamayan imbes na maibalik sa pamamagitan ng kapaki-pakinabang na proyekto at serbisyo, napupunta pa sa bulsa ng mga kapalmuks.


Tandaan, hindi lahat ng nasa shopping mall ay mayayaman, pinipili lang ng iba na magpunta rito dahil na rin sa init ng panahon at gusto lang makapamasyal.


Maraming Pinoy pa rin ang naghihirap, sadyang likas lang sa atin ang pagiging masipag at nagtitiyaga para lang mabuhay.


Hiling natin na mamulat pa ang gobyerno sa kung ano talaga ang reyalidad ng buhay. Naniniwala rin tayo na hangga’t may korup, may mahirap.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page