Kahirapan sa ‘Pinas, haka-haka lang — Gadon

ni Eli San Miguel @News | May 17, 2024

Inihayag ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon nitong Biyernes na "haka-haka" lamang ang nararanasang kahirapan sa Pilipinas.
Sa isang panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon, binanggit din ni Gadon ang malaking bilang ng mga tao na nakikita sa mga shopping malls at mga fast food chains, pati na rin ang bilang ng mga bagong sasakyan na nakikita sa kalsada.
"Sa totoo lang ‘yang mga nagsasabi na napakahirap ng buhay ngayon ay sila lang ang nagsasabi niyan, haka-haka lang nila 'yan,” aniya nang tanungin tungkol sa kanyang mensahe sa mga Pilipino sa pagtatapos ng panayam.
Ikinatwiran ni Gadon sa kanyang perspektibo ang mga siksik na malls at mga fast food chains.
“Pero ang katotohanan, magpunta ka sa mga mall, punong-puno. Pumunta ka kahit sa mga probinsya, yung mga branches ng [fast food chains], punong-puno. Ibig sabihin, mataas ang purchasing power ng mga Pilipino,” pahayag niya.
“Lumabas ka ng kalsada, napakaraming bagong kotse, napaka-traffic. Anong ibig sabihin niyan? Maraming nakakabili ng kotse, which means maganda ang ekonomiya,” dagdag ni Gadon.





Comments