Kahirapan, kalaban pa rin ng susunod na administrasyon
ni Ryan Sison - @Boses | March 10, 2022
Matagal nang problema ang kahirapan sa bansa.
Hindi pa man tumatama ang pandemya, napakarami na nating kababayan na dumadaing ng kahirapan.
Gayunman, base sa latest survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Disyembre 12 hanggang 16, 2021, nasa 40% ng mga Pilipino ang nagsabing lumala ang kanilang pamumuhay sa nakalipas na 12 buwan.
Sa 1,440 indibidwal na tinanong, 24% sa kanila ang nagsabing gumanda ang uri ng kanilang pamumuhay (gainers), habang 36% naman ang nagsabi na walang nagbago sa kanilang pamumuhay (losers). Ang net gainer score na naitala noong Disyembre ay 28 points na mas mataas sa -44 noong Setyembre 2021.
Samantala, ang pagtaas ng 28 points sa national Net Gainer score sa pagitan ng Setyembre 2021 at Disyembre 2021 ay dulot ng pagsigla ng kabuhayan sa lahat ng lugar sa bansa, lalo na sa Metro Manila at Mindanao, samantalang low to very low sa Visayas.
Sa lahat ng problema ng bansa, kahirapan ang pinakamahirap na masolusyunan, na lalo pang pinahirap ng pandemya dahil sa kawalan ng hanapbuhay at pagbagsak ng ekonomiya.
Bagama’t nagkakaroon na ng ilang pagbabago dahil balik-hanapbuhay na ang ilan, marahil ay ‘di pa ito sapat dahil sa laki ng epekto ng pandemya sa bawat isa.
Gayunman, upang matugunan, nangangailangan ito ng makatotohanan at pangmatagalang solusyon at ‘yan ay malaking hamon sa bagong administrasyon.
Hindi porke matagal nang problema ay hahayaan na lang nating matengga.
Kasabay ng pagbangon natin mula sa krisis pangkalusugan, sana’y maisabay natin ang kabuhayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments