Kahandaan ng ‘Pinas sa monkeypox, tiniyak
ni Ryan Sison - @Boses | June 3, 2022
Tiniyak ng Department of Health (DOH) na handa ang Pilipinas kung makakapasok sa bansa ang monkeypox.
Paliwanag ni Health Secretary Francisco Duque III, karamihan sa ating mga kababayan ay natuto na dahil sa pandemya, kung saan ang mga ginagawang hakbang bilang panlaban sa COVID-19 ay makatutulong aniya upang labanan ang iba pang mga sakit.
Inihalimbawa ng kalihim ang pagsusuot ang facemask. Aniya, dahil maaaring kumalat ang monkeypox sa pamamagitan ng respiratory droplet, makatutulong ang facemask upang mapigilan ang hawahan.
Gayundin, dahil napapasa ang virus sa pamamagitan ng close contact sa taong may bodily fluids o respiratory droplets mula sa infected na indibidwal, hayop o kontaminadong materyal, malaking tulong din ang madalas na paghuhugas ng mga kamay. Bagay na matagal na nating ginawa bilang pag-iingat sa COVID-19.
Sa kasalukuyan, nasa higit 400 kaso na ng monkeypox ang natukoy ng World Health Organization (WHO) sa 32 bansa. Gayunman, wala pang naiuulat na kaso ng monkeypox sa Pilipinas.
Una nang sinabi ni Duque na nagpapatupad na ng border control ang bansa para pigilan ang pagpasok ng naturang sakit at wala pa umanong indikasyon na magiging kasing tindi ng COVID-19 pandemic ang monkeypox outbreak.
Magandang balita na tiniyak ng DOH na handa tayo kung sakaling makakapasok ang monkeypox sa bansa.
Patunay ito na natuto tayo mula sa pandemya, lalo na ang kahalagahan ng pagkakaroon ng plano at mga hakbang kung paano natin ito malalabanan.
Hiling lang natin na maipatupad agad ang mga ito kung kinakailangan, gayundin, hangad nating maging epektibo ang naturang hakbang bilang panlaban sa monkeypox.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments