top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Kahalagahan ng pagiging mulat, nagsusulat at nagpapahayag

BULGAR
Apr 3, 2022
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 3, 2022


Sinimulan namin noong nakaraang simula ng Simbang Gabi, ika-16 ng Disyembre 2021, ang munting Kapihan na pansamantalang tinawag naming Kape Jose. Nanggaling ang inspirasyon nito sa buhay ni Frankie Sionil Jose, ang pumanaw nang National Artist for Literature. Parokyano natin si F. Sionil Jose. Matagal na nating kilala si F. Sionil Jose.


Nagsimula pa noong dekada 70 ang aming pagkakaibigan nang natuklasan natin ang Solidaridad Bookshop sa kalyeng Padre Faura na pag-aari niya. Kung nagagawi tayo sa Maynila, kadalasan kapag merong mga mahahalagang pagkilos sa Korte Suprema, lagi tayong nagagawi sa naturang bookstore.


Puntahan ang Solidaridad ng mga manggagawa ng sining tulad ni F. Sionil Jose. Madalas din dumalaw sa kanya ang mga pulitiko at mga kilalang mga personalidad sa bansa. Ngunit ang pinakamadalas na bisita ni F. Sionil Jose ay ang mga batang manunulat na galing sa iba’t ibang unibersidad na hanap ang karunungan at ang gabay ng kilalang manunulat.


Dahil dito, naisipan nating pansamantalang ipangalan ang Kapihan sa Parokya na Kape Jose. Nais natin sanang ipangalan itong Kape Francisco o Frankie’s Corner ngunit hindi pumayag si F. Sionil Jose na nagsabing, “ipangalan po ninyo ang Kapihan kay Jose Rizal. "


Ang naging motto ng Kapihan ay: IMULAT, ISULAT at IPAHAYAG. Napakahalaga ng tatlong gawaing nabanggit. Tingnan natin kung bakit.


Imulat. Kung hindi mulat, hindi naiintindihan, hirap maka-intindi, mali ang pag-intindi, napakadaling maligaw, malinlang at magamit ang sinuman. Napakahalagang mulat ang sinuman upang sa bawat sandali makayanan niyang tumugon sa angkop at tamang paraan sa anumang sitwasyon.


Isulat. Kung hindi kayang magsulat, paano makakakilos sa lipunan, na maraming kailangang sagutin, i-fill up na mga forms na kailangan sa pakikipag-ugnay sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan tulad ng LTO, para sa lisensiya sa pagmamaneho; DSWD, para sa anumang mahahalagang pangangailangan sa kalusugan, edukasyon ng mga anak; SSS, para sa pension; Pag-IBIG Fund, para sa pabahay; PhilHealth, para sa mga malalaking gastusin sa ospital, atbp. Mahalaga ring kakambal ng pagsusulat ay ang pagbasa na hindi mahihiwalay sa pagsusulat. Ang yaman ng buhay manunulat ay ang walang sawa’t pagod na pagbabasa.


Ipahayag. Hindi lang tayo mga miron sa lipunan. Dahil tayo ay mulat, may kakayahang magsulat at magbasa, mahalagang pananagutan ang pamamahayag. Kailangan natin ang kakayahang mamahayag mula simple hanggang seryosong mga usapin. Kaya dapat nating iparating sa kapitbahay at sa barangay ang ingay ng kantahan at kasayahan sa kapitbahay kapag ito ay lumampas ng ika-10 ng gabi. Kung napansin nating merong gumagamit ng “jumper” samantalang ang lahat ay nagbabayad ng kuryente, kailangang ipagbigay-alam sa awtoridad ang abuso. Kung sangkot sa anumang tiwaling gawain ang sinuman sa mga opisyal ng barangay, maaari rin tayong lumapit sa Ombudsman upang maimbestigahan ang abusong nagaganap. Kung napansin nating kinukupit ang mga sangkap ng paggawa ng kalye, mula buhangin, graba, simento at bakal, hindi tayo dapat manahimik dahil pera ng taumbayan ang napupunta sa mga maling kamay.


Ayon sa bagong ulat ng UNICEF (United Nation’s Children’s Fund) merong seryosong “learning poverty” ang ibinunga ng pandemya. Dahil sa tuluy-tuloy na lockdown sa nagdaang dalawang taon, nawalan ng pagkakataon ang maraming bata na tumanggap ng magandang edukasyon sa pamamagitan ng “face-to-face learning". Dahil sa napakahabang “virtual learning” (pag-aaral gamit ang mga gadget tulad ng laptop; cellphone o tablet), nagkaroon ng malalang “learning poverty”. Ano ang learning poverty? Ayon sa World Bank, napakaraming bata na sampung taong gulang ang hindi kayang basahin o unawain ang simpleng istorya. Bunga ito ng tuluy-tuloy na “virtual learning” na maraming kahinaan at kakulangan pagdating sa higit na epektibong paraan ng pag-aaral. Walang kapalit ang face-to-face at agarang ugnayan ng guro at mag-aaral.


Kaya kung titingnan natin ang kalagayan ng nakararami sa ating lipunan, hindi kataka-taka bakit lumalala ang kahirapan at ang pananamantala ng mga may kapangyarihan at may hawak ng kayamanan ng bansa.


Hindi rin kaya may kaugnayan ang sitwasyon ng learning poverty o ng kadahupang matuto sa nakatatakot at nakadidismayang kalagayan ng pulitika na patuloy na tumatakbo at ibinoboto ang mga trapo?


Tatlumpu’t apat na araw na lang ang nalalabi bago ang pambansang halalan. Kaya kaya nating tugunan ang sitwasyong bunga ng kadahupang matuto at matulungan pa ang marami na umunawa, magpasya at kumilos na ligtas sa anumang panlilinlang, paggamit at pananamantala?


Oo, magtulungan tayo hindi lang hanggang ika-9 ng Mayo kundi higit pa rito… sa mga darating pang panahon upang mabawasan at lumaya tayo sa matinding kahirapang dulot ng kadahupang matuto.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page