top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Kahalagahan ng marami at maayos na imprastruktura

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 14, 2023
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 14, 2023



Ngayong panahon ng tag-init, isa sa dapat paigtingin ay ang pagtutok sa mga proyekto na may kinalaman sa imprastruktura na bukod sa walang balakid ay kailangang makarami bago pa dumating ang panahon ng tag-ulan.


Hindi naman kaila sa atin na halos 15 bagyo ang pumapasok sa bansa na karaniwang sinasalanta ang mga rehiyon ng Calabarzon, Bicol at Central Luzon at ang typhoon season sa Pacific ay karaniwang nagsisimula na may mahihinang bagyo sa mga huling linggo ng Abril at tuluy-tuloy na ito hanggang Nobyembre.


Ang mga detalyeng ito ay naging bahagi ng ginawa nating pagdinig sa Senado kamakailan kung saan ipinatawag natin ang iba’t ibang ahensiya sa pangunguna ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang mapaghandaan natin ang mga darating na trahedya.


Bilang Chairperson ng Senate Committee on Public Works, pinangunahan natin ang Committee Meeting para sa deliberasyon ng Proposed Senate Resolution No. 67 na aking isinumite.


Hinikayat ng naturang resolusyon ang DPWH at lahat ng local government units na magsagawa ng agarang inspeksyon at review sa mga kasalukuyang gusali at iba pang imprastruktura sa kani-kanilang nasasakupan.


Nais nating matiyak ang full compliance sa itinakdang standard ng National Building Code hinggil sa structural safety at integrity upang mabigyan ng proteksyon ang mga Pilipino, hindi lang sa kanilang pag-aari kundi maging sa buhay ng bawat isa.


Ganyan natin inaalala ang sitwasyon sa kabuuan at hindi tamang naghihintay na lang tayo ng trahedya bago pa tayo kumilos, kaya bago pa ang nagdaang pagdinig na ito, nagsumite rin tayo ng panukalang-batas sa Senado kung bakit dapat nang amyendahan ang pagbibigay ng lisensya sa mga kontratista sa construction industry.


Isinumite ko kasi ang Senate Bill No. 1809 na naglalayong amyendahan ang Republic Act. No. 4566, na mas kilala sa tawag na Contractors’ License Law, na masyado nang sinauna at hindi na akma sa kasalukuyang panahon.


Sobrang tagal na kasi ng batas na ito na pinagtibay noon pang 1965, at hanggang ngayon ay ito pa rin ang ating ginagamit upang matiyak na kuwalipikado at mapagkakatiwalaan ang isang kontratista.


Napakahalaga ng ginagampanang papel sa construction industry ng mga kontratista, lalo na sa national development, kaya napapanahon nang itama at isabay sa kasalukuyang pamantayan ang umiiral na polisiya.


Simula kasi noong 1965 hanggang sa kasalukuyan, napakalaki na ng pagbabago at pag-unlad sa construction industry, kaya tama lang na baguhin na ang umiiral na batas.


Lalo na ngayong naglabas ng kabuuang P17.7 bilyong alokasyon para sa national budget ng taong ito para pondohan ang Tourism Road Infrastructure Program (TRIP), na inanunsyo mismo ng Department of Budget and Management (DBM).


Tiyak na maraming contractor ang makikilahok dahil siniguro ng DBM na ang pondong inilaan ay mas mataas ng P602 milyon kumpara sa sa P17.087 bilyong budget na inilaan noong nakaraang taon.


Napakahalaga ng paglalaan ng pondo para suportahan ang ating vital infrastructure projects dahil ito ang nagsisilbing backbone ng ating ekonomiya at kaisa natin ang DBM sa pananaw na ito.


Maging si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) ay may matinding paninindigan sa kanyang mga anunsyo na bigyang-prayoridad ang infrastructure development sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon at dito naman pumapasok ang ating mga panukalang-batas para susugan ang mga hakbanging ito.


Napakahalaga kasi ng mobility at connectivity, kaya dapat ay lalo pang paigtingnin ang mga infrastructure project dahil unang-una, malaking tulong ito sa turismo at higit sa lahat, mabilis nating matutugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan na biktima ng mga kalamidad.


Higit sa iba nating kababayan, isa ako sa nakararanas ng problema sa pagtawid sa mga lalawigan dahil palagi akong nagdadala ng tulong sa ilalim ng Bayanihan Relief (BR) kasama ang aking staff sa tuwing may magaganap na trahedya tulad ng pagbaha, labis na pag-ulan, lindol, bagyo at ang pinakahuli ay ang oil spill sa Mindoro.


Sa totoo lang, ang Pilipinas ay maraming naggagandahang lugar na sa social media at telebisyon na lamang nakikita ng ilan nating kababayan dahil sa kakulangan ng maayos na imprastruktura na mag-uugnay sa mga bayan-bayan.


Sa ilalim ng 2023 national budget, ang P17.689 bilyong pondo ay ipamamahagi sa infrastructure projects sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen at Caraga Region.


Hindi lang turista ang makikinabang dito dahil maging ang mga maliit nating kababayan ay mabilis na ring madadala sa mga maaayos na pagamutan sa oras maisaayos ang mga tulay, kalye at iba pa magdudugtong sa bawat bayan.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page