Kaguluhan ang next ‘pag ‘di pa nasolusyunan ang bangkaroteng ekonomiya

ni Ka Ambo - @Bistado | February 4, 2021
Aminado si P-Digong na bangkarote na ang ekonomiya ng bansa.
Wala, ganu’n lang!
◘◘◘
Kapag nagpatuloy ang pagkabangkarote ng ekonomiya, magiging sanhi ito ng kaguluhan.
Nagkaroon ng kudeta sa Burma at maging ang Thailand ay natuturete sa panggugulo ng ilang grupo.
Kapag hindi naareglo nang todo ang pagdarahop, maaaring mabingit sa kaguluhan ang bansa!
◘◘◘
Inaaway na ng mga consumer ang mga taga-Meralco.
Bukod sa disconnection notice ay naglabas pa ng advice ng contract termination contract ang Meralco.
Isang klase ito ng pangha-harass sa gitna ng pandemic!
◘◘◘
Hindi na nga makabayad, pero ang takutin at bantaan ang mga subscriber ng pagbaklas ng metro ay masamang proseso ng Meralco.
Dapat magkaroon ng imbestigasyon ang isyung ito!
◘◘◘
Hindi dapat parusahan ng Meralco ang mga subscriber sa isang proseso na wala silang kaalamang teknikal.
Maaaring maningil nang maayos ang Meralco pero iporma ito sa makataong pamamaraan!
◘◘◘
Sa totoo lang, kapag naghigpit nang todo ang Meralco, maraming negosyo ang magsasarado at hindi na makapagbubukas pa nang maayos.
Dapat magtulungan ang lahat na manatili ang mga negosyo at maserbisyuhan nang tama ang ordinaryong mamamayan.
Bigo ang Department of Energy na proteksiyunan ang pobreng konsiyumer!
◘◘◘
Hindi nagkukusa ang DOE na saklolohan ang ordinaryong subscribers sa panahon ng pandemic.
Dapat nang buwagin ang DOE dahil hindi ito nakakatulong sa mamamayan!
◘◘◘
Inaasahang lolobo ang presyo ng gulay dahil masyadong mataas ang presyo ng karne.
Hindi puwedeng araw-araw ay kangkong dahil tiyak na darami ang papakyaw ng “diatabs”!
◘◘◘
Patuloy ang pagdarahop na nararanasan.
Hindi nakarerekober, bagkus ay nababaon sa bawat araw.
Walang nakikitang liwanag ang ordinaryong mamamayan!
◘◘◘
Maaaring kaya naghihigpit ang Meralco ay posibleng mabangkarote rin sila kapag walang magbabayad nang maayos.
Kumbaga sa krisis, talagang matira ang matibay!





Comments