Kagawad at utol, niratrat sa party, todas

by Jeff Tumbado @News | October 22, 2026

Photo: Mayor Gelyn Guzman
Patay ang isang barangay kagawad at ang kanyang kapatid matapos silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Brgy. Lower Paatan, Kabacan, Cotabato, madaling-araw nitong Miyerkules.
Ayon sa Kabacan Municipal Police Office, naganap ang pamamaril ala-1 ng madaling-araw habang may sayawan sa barangay.
Bago ang insidente, nagkaroon umano ng pagtatalo ang kagawad na si Patacpan Maganaka at isang hindi pa nakikilalang lalaki na dumalo sa nasabing pagtitipon.
Umalis ang lalaki ngunit bumalik na may dalang baril at pinagbabaril ang magkapatid.
Tinamaan din ng ligaw na bala ang isang menor-de-edad na lalaki na kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Ang kapatid ng kagawad na si Ibrahim Maganaka ay nagsisilbing barangay bookkeeper at kapwa nila pinangangasiwaan ang nasabing sayawan nang mangyari ang insidente.
Kinondena naman ni Kabacan Mayor Evangelyn de Guzman ang pamamaril at inatasan ang pulisya na magsagawa ng masusing imbestigasyon.





Comments