Kabuhayan, ilagay sa ayos para walang problema
- BULGAR

- Jun 5, 2024
- 1 min read
@Editorial | June 5, 2024

Muling umarangkada ang clearing operation ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kahabaan ng J.W. Diokno Boulevard sa Pasay City.
Hindi ito ang unang beses na nagsagawa ng clearing operation sa lugar pero marami pa ring mga sagabal sa bangketa at sasakyang ilegal na nakaparada.
Kabilang ang isang karinderya na nakapuwesto sa bangketa ang walang nagawa kundi isalba ang ilan sa kanilang mga gamit na hindi kasama sa mga nakumpiska.
Makailang ulit na umanong napagsabihan ang mga vendor dito kaya kailangan nang kumpiskahin ang kanilang mga gamit. May mga paskil din na nagsasabing bawal pumarada.
Sa kulang-kulang isang oras lamang na clearing operation, halos 30 na ang natiketan na mga sasakyan at ang ilan sa mga ito ay hinatak ng tow truck dahil walang driver nang dumating ang clearing team.
Inikutan din ng MMDA ang harap ng sikat ngayong paresan, at gaya ng dati, marami pa rin ang mga pribadong sasakyan ang nakaparada sa kalsada at natiketan. ‘Yung iba, sinasabing dumayo lang sa lugar para kumain at mag-donate sa may-ari ng kainan.
Kaya paalala sa lahat, laging sumunod sa batas. Walang masama sa paghahanapbuhay basta hindi tayo nakakaabala. Ilagay natin sa maayos ang ating puwesto para hindi rin madamay ang mga tumatangkilik sa atin.
Samantala, umaasa tayo na magiging mas masigasig ang mga otoridad sa pagsuyod sa mga kalsada laban sa illegal parking at iba pang sagabal. Mapanatili rin sana ang pagpapatupad ng mga panuntunan sa lahat.



Comments