Kaboom at Cupid Bell larga sa Hopeful Race
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | July 19, 2022
Nagsaad na ng pagsali sina Kaboom at Cupid Bell sa magaganap na 2022 PHILRACOM Hopeful Stakes race na ilalarga sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite sa Hulyo 24.
Nakalaan ang P1.5M guaranteed prize na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta sa distansiyang 2,000 meter race, tiyak na masisiyahan ang mga karerista sa kanilang paglilibang.
Sasakyan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez si Kabom habang si class A rider Kelvin Abobo ang gagabay kay Cupid Song. Makikipagtagisan ng bilis sina Kaboom at Cupid Song kina Bocaue Rivertown, Eazacky, Pharaoh's Fairy at Portsalt.
Ayon sa mga komento ng mga karerista sa social media, mahirap mamili ng tatayaang kabayo sa nasabing race dahil lahat ng kasali ay may tsansang manalo.
"Maganda ang lineup, balanse kaya sigurado maganda ang dibidendo kahit sino ang manalo sa kanila," saad ni Ruben Natividad, veteran karerista.
Ibubulsa ng mananalong kabayo ang P900,000, mapupunta sa second placer ang P337,500 habang tig-P187,500 at P75,000 ang third at fourth ayon sa pagkakasunod.
Samantala, pakakawalan din sa nasabing petsa ng karera ang 3rd Leg Triple Crown, suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM sa pamumuno ni chairman Reli De Leon ang lahat ng takbo sa araw ng karera.
Isa sa inaabangan ng mga karerista ang Triple Crown dahil nais nilang masilayan muli ang tikas ni Basheirrou na namumuro sa pagwalis ng tatlong legs.
Si star jockey Abobo ang rumenda kay Basheirrou nang manalo sa first at second legs kaya siya ulit ang sasakay sa third Leg.
Sakaling manalo si Basheirrou, magiging pang-13 kabayo siya sa mga naka-sweep ng Triple Crown Series, huling gumawa nito ay si Heneral Kalentong noong 2020.





Comments