Kabibida na bumaba kuno ang presyo ng bilihin, rating ni P-BBM, bagsak din
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | November 10, 2023
IBINIDA NG PSA NA MABABA ANG PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN, ‘DI RAMDAM NG MAMAMAYAN -- Nag-anunsyo na naman ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng fake news, na kesyo bumagal raw ang inflation rate last month (October 2023), na ibig sabihin ay bumaba raw ang presyo ng mga bilihin at bayarin nitong nakalipas na buwan.
Sa totoo lang, ‘yang ibinibida ng mga appointee ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) sa PSA ang isa sa dahilan kaya malaki ang ibinagsak sa survey patungkol sa rating ni P-BBM kasi iyong sinasabi nilang bumaba na ang presyo ng mga bilihin at bayarin ay hindi naman ramdam ng mamamayan, lalo na ng mga mahihirap na Pinoy, period!
◘◘◘
BABAGSAK NA NAMAN ANG RATING NI P-BBM KAPAG ‘DI TINIGILAN NG PSA ANG KAPI-FAKE NEWS -- Dapat tigilan na ng PSA ang kapi-fake news sa isyung bumaba ang presyo ng mga bilihin at bayarin.
Kasi kung hindi nila titigilan ang kapi-fake news, malamang sa susunod na maglabas ng survey ang mga survey firms, ay bagsak na naman ang rating ng Presidente, boom!
◘◘◘
MALAKAS ANG LOOB NI CONG. GONZALES SA PDP-LABAN NI EX-P-DUTERTE KASI MAY MALILIPATAN SIYANG PARTIDONG LAKAS-CMD NI SPEAKER ROMUALDEZ -- Nag-resign na si Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Gonzales sa partido niyang PDP-Laban na pinamumunuan ni ex-P-Duterte at matapos ngang magbitiw, agad niyang tinukoy ang pangalan ng dating presidente na naninira raw sa institusyong Kongreso.
Sa totoo lang, kaya malakas ang loob ni Cong. Gonzales na mag-resign sa PDP-Laban ay alam niyang may malilipatan siyang partido, at ito ‘yung partidong Lakas-CMD na pinamumunuan ni House Speaker Martin Romualdez, period!
◘◘◘
MADALAS NA POSTPONEMENT AT LAKI NG GINASTOS SA BSKE 2023 POSIBLENG SANHI NG MGA PATAYAN -- Tapos na ang eleksyon, pero ang patayan na may koneksyon sa halalan ay tuloy pa rin, at marahil, ang sanhi ng mga patayang ito ay dahil sa laki ng ginastos ng mga natalong kandidato dulot ng madalas na postponement sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE).
May mga kandidato kasi na malaki kung gumasta sa panahon ng halalan, ang problema postpone nang postpone sa BSKE ang gobyerno. May nakatakda sanang BSKE noong May 2020, na-postpone ito, may nakatakda ulit sanang BSKE noong Dec. 2022 pero na-postpone na naman ito, hanggang magdesisyon ang Supreme Court (SC) na nagsabing unconstitutional ang pagpapaliban sa halalan kaya’t itinakda ng SC ang BSKE noong October 30, 2023. At dahil d’yan, itinodo na ng mga kandidato ang paggasta, hanggang magsunud-sunod na ang balitang patayan na may koneksyon sa halalang pambarangay, at ngayon tapos na ang BSKE 2023, ang patayan tuloy pa rin, tsk!





Comments