top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Kabayan Martin ng Kansas, kampeon ang team sa NCAA US

BULGAR
Apr 6, 2022
1 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 6, 2022



Kinoronahan na National Champion ng NCAA ng Estados Unidos ang University of Kansas matapos nilang talunin ang University of North Carolina, 72-69, sa Caesars Superdome ng New Orleans, Louisiana kahapon. Malaking papel ang ginampanan ni kabayan Remy Martin upang ihatid ang ika-apat na kampeonato ng Jayhawks at sinundan ang kanilang huling tropeo noong 2008.

Lumamang ng 40-25 ang UNC noong first half subalit nagising at bumawi ang Jayhawks. Nagtapos na parehong may tig-15 puntos ang mga forward Jalen Wilson at David McCormack habang 14 puntos si Martin bilang reserba.

Sa Final Four noong Sabado, nagwagi ang Jayhawks sa Villanova Wildcats, 81-65. Pinauwi ng Tar Heels ang matinding karibal Duke Blue Devils, 81-77, upang wakasan din ang karera ng magreretirong alamat na si Coach Mike Krzyzewski.

Hindi itinatago ng 6'0" gwardiya na si Martin ang kanyang nais na maging bahagi ng Gilas Pilipinas kahit noong siya ay naglalaro sa Arizona State University. Lumipat siya sa Kansas para maglaro ng isa pa at huling taon na pinayagan ng NCAA upang pagbigyan ang mga magtatapos sana na manlalaro na mabawi ang nawalang pagkakataon noong pandemya.

Binawi ni Martin ang kanyang aplikasyon para sa 2021 NBA Draft at nagpasyang ipagpatuloy ang kanyang paglalaro sa kolehiyo. Sa ipinakita niya, tiyak na magiging matunog ang kanyang pangalan sa parating na 2022 NBA Draft at samahan ang mga kababayang sina Jordan Clarkson ng Utah Jazz at Jalen Green ng Houston Rockets.

Ito na rin ang ikalawang kampeonato para kay Coach Bill Self na gumabay din sa Jayhawks noong 2008. Isa sa kanyang mga assistant coach ang Filipino na si Coach Kurtis Townsend.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page