Kabayan Clarkson, humalibas ng 45 puntos; Klay, may 39 pts
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 14, 2022

Nagtala ng bagong personal na marka na 45 puntos si kabayan Jordan Clarkson sa 134-125 panalo ng kanyang Utah Jazz sa bisitang Sacramento Kings sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Vivint Arena. Mas mataas ito sa kanyang dating marka na 42 na naitala noong Pebrero 13, 2019 bilang kasapi ng Cleveland Cavaliers sa 139-148 talo sa Brooklyn Nets.
Umabot ng 42 puntos si Clarkson matapos ang dalawang free throw at lamang ang Jazz na may 4:56 sa orasan, 120-112. Nakamit niya ang bagong marka sa pamamagitan ng kanyang pang-pitong three-points halos kasabay ng last two minutes at bigyan ang Utah ng mas komportableng 130-118 lamang.
Kumuha ng malaking tulong si Clarkson kay Bojan Bogdanovic na may 26 puntos at Donovan Mitchell na may 25 puntos upang umakyat ang Utah sa 42-25 panalo-talo. Sa panig ng Kings, bumida si De’Aaron Fox na may 41 puntos at 11 assist subalit kinapos ang kanyang mga kakampi.
Patuloy ang pagbalik sa dating porma ni Klay Thompson at siya ang susi sa 122-109 panalo ng kanyang Golden State Warriors kontra sa bisitang World Champion Milwaukee Bucks. Pumutok para sa 38 puntos buhat sa walong tres si Thompson na pinakamarami ngayong taon matapos gumaling ang kanyang mga pilay na nagpaupo sa kanya ng mahigit dalawang taon.
Sumunod si Jordan Poole na may 30 at Andrew Wiggins na may 21. Nagtala ng 60 puntos si Thompson sa 142-106 panalo ng Warriors sa Indiana Pacers noong Disyembre 5, 2016 sa loob ng 29 minuto lang at hindi na siya pinalaro ng buong fourth quarter.





Comments