Kabataan, ‘wag hayaang malulong sa online gambling
@Editorial | Marso 4, 2024
Naglipana na sa social media platforms ang mga advertisement ng online gambling kung saan ang iba pa rito ay iniendorso ng mga sikat na influencer.
Lubos itong nakababahala dahil may ilang kabataan na rin ang natututong magsugal dahil sa mga nakikita nila online.
Dahil dito, isang mambabatas ang nakatakdang maghain ng resolusyon para imbestigahan ang paglipana ng online gambling advertisements.
Kung hindi pa umano kikilos ang gobyerno ay maaaring makaapekto ito sa moralidad at ugali ng mga kabataan kapag nalulong sa online gambling.
Maaari rin umanong matuto ang mga kabataan ng pangungupit sa kanilang mga magulang.
Hindi kasi umano nasusubaybayan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa kung anong application sa cellphone ang kanilang ginagamit.
Bukod pa rito, napakadali ring magparehistro sa mga online gambling dahil pangalan at edad lang ang kailangan. Ang isa pa sa ikinababahala ay may posibilidad ding mapagsamantalahan ang mga mobile wallet services dahil sa online gambling.
Kaya naman marapat lang na paigtingin pa ang pagsugpo sa mga online illegal gambling at pakiusap sa mga magulang, bantayan ang mga anak lalo na sa mga nakikita sa online dahil maaaring iba ang kahinatnan nito dahil sa pagpapabaya.
Pakiusap din sa mga nag-eendorso ng online gambling, maging responsable sana sa panghihikayat sa mga tao lalo na’t may mga kabataan ding gumagamit ng social media.



Comments