Kababanat nang sablay, Isko binansagang 'fake news king'
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | April 25, 2022
ISKO TABLADO NA SA MGA KA-BROD AT KA-SIS SA AKRHO – Maging ang mga ka-brod and sis ni presidential candidate, Mayor Isko Moreno sa Akrho fraternity ay hindi na nagustuhan ang mga "below the belt" na banat ni Yorme kay presidential candidate, Vice Pres. Leni Robredo.
Dahil d'yan, ang dating statement ng Akrho fraternity na suportado nila ang kandidatura ni Isko ay pinalitan na nila ngayon, kasi hindi na si Yorme ang suportado nila, kundi si VP Leni, period!
◘◘◘
ISKO BAGONG 'FAKE NEWS KING' – Ang lahat ng banat ni Isko kay VP Leni ay kay Yorme mismo nagbu-boomerang.
Nang sabihin ni Isko na mother of bullies si VP Leni ay pinutakti ng batikos si Yorme dahil hindi raw mambu-bully ang Bise Presidente kasi ito ang madalas na i-bully; nang banatan ni Yorme si VP Leni na santita raw ito pinutakti uli ng batikos si Isko kasi hindi raw santita ang Bise Presidente at patunay daw ang pag-endorso rito ng Catholic Church; at nang banatan uli ni Isko si VP Leni na kesyo matapobre raw ito, muli nakatikim ng batikos si Yorme kasi noong wala pa sa pulitika, ay abogado ito (VP Leni) ng mga mahihirap na Pinoy.
At dahil fake news ang mga banat ni Isko kay VP Leni, ay binansagan ng netizens si Yorme na bagong "fake news king", boom!
◘◘◘
PARANG INAMIN NI HARRY ROQUE NA PINERSONAL LANG NG TATAY NI SARA DUTERTE ANG ABS-CBN KAYA TINANGGALAN ITO NG PRANGKISA – Matapos mag-perform si GMA artist Ai-Ai delas Alas sa political rally ng BBM-Sara (Bongbong Marcos-Sara Duterte) tandem sa Maynila, ay sinabihan siya ni dating presidential spokesman Harry Roque na hindi raw nagkamali ang komedyante sa sinamahang grupo, at dahil d'yan ayon kay Roque ay hindi raw mawawala ang prangkisa nito (GMA network).
Sa tema ng salita ni Roque ay parang sinabi nito na kung mali ang sinamahan ni Ai-Ai ay baka mawalan ng prangkisa ang GMA network tulad sa nangyari sa ABS-CBN.
Kumbaga, parang inamin ni Roque na kinainitan at pinersonal lang ng tatay ni Sara Duterte ang ABS-CBN kaya nawala ang prangkisa ng Kapamilya network, tsk!
◘◘◘
SABLAY BANAT NI GADON – Dahil sa pagdagsa ng mga tao sa birthday people's rally ni VP Leni, ay sinabi ni senatorial candidate Larry Gadon na mga bobo raw ang mga nasa Roxas Boulevard.
Sablay ang banat na ito ni Gadon, kasi hindi naman sa Roxas Blvd. idinaos ang birthday people's rally ni VP Leni, kundi sa Macapagal Avenue sa Pasay City, boom!





Comments