top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Kababalaghan sa bicam conference committee sa 2021 nat’l budget, ibulgar!!!

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 15, 2020
2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | December 15, 2020



Multo sa Disyembre.


Ito ang kababalaghan sa bicameral conference committee sa 2021 national budget!


◘◘◘


Nanghilakbot mismo ang vice-chairman ng Senate Committee on Finance na si Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa multo sa Disyembre.


Umaasa si Lacson na ibe-veto ni Pangulong Duterte ang “excessive insertions” bago lagdaan ang general appropriations bill bago mag-Pasko!


◘◘◘


Sa virtual press briefing, ibinunyag ni Lacson na mayroong P28 bilyon ang idinagdag ng mga kongresista sa budget ng DPWH.


Hinamon nitong isapubliko ang excessive insertions upang matukoy kung sinu-sino ang magkakamal sa ‘pork barrel’ gamit ang DPWH!


◘◘◘


Ang masakit, kinaltasan ng P8 bilyon ang AFP modernization program at maging ang DICT.


Nauna nang dinagdadagan ng Kamara at Senado ang DICT ng P5-B dahil P900-M lamang ang orihinal nitong pondo.


Ngayon umaabot na lamang sa P1.9-M ang budget ng DICT na magagamit sana sa mas mabilis na internet signal!


◘◘◘


Inamin mismo ni Senate committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara na baka masakripisyo ang buong 2021 national budget at hindi ito maipasa kung hindi mapagbibigyan ang ginawang insertions ng mga kongresista.


Isang klase ‘yan ng pamba-blackmail!


◘◘◘


Ibinunyag na ni Lacson na P620-M ang pinakamaliit na budget na napunta sa mga kongresista at umabot naman sa P15-B ang pinakamaking budget na napunta sa isang distrito sa Davao.


Sinasabing karamihan umano sa mga nakinabang ay kabarkada ni Speaker Lord Allan Velasco!


◘◘◘


Hindi pumirma si Lacson sa bicam report ng budget dahil hanggang ngayon hindi pa aniya malinaw kung saan mapupunta ang P28-B na insertion sa DPWH.


Nilinaw niyang nasasayang lang ang pagpupuyat at pagpapagod nila sa pagtalakay ng budget dahil binabago naman ito sa pulong ng bicam na hindi nalalaman ng publiko!


◘◘◘


Karapatan ng mamamayan na malaman kung paano pinoproseso ang budget at kung saan ito gagamitin.


Nagmumula ito sa buwis na ating ibinabayad sa gobyerno kaya karapatan nating malaman kung ano’ng proyekto ang popondohan ng mga ito!


◘◘◘


Parang mababalewala ang pagsasabatas sa Bayanihan 1 at 2 para tugunan ang dagok na dala ng pandemyang COVID-19 dahil sa pork barrel.


Sabi pa ni Lacson, hindi “responsive” sa tawag ng panahon ang 2021 national budget dahil mas inuna pa ng mga kongresista ang alokasyon ng mga pondo sa planong pagpapagawa nang mga covered court!


◘◘◘


Imbes na pag-igihan ang online services ng DICT na kailangang-kailangan ng mga estudyante dahil sa online classes, inilipat pa ito para pondohan ang mga proyekto ng mga kongresista.


Malapit na ang election period kaya kailangan ng mga kolokoy ng campaign fund na huhugutin sa DPWH pork barrel scheme!


◘◘◘


Ang COVID-19 mass vaccination ay umarangkada na sa United Kingdom at Russia.

Susunod na ngayong linggo ang U.S.


Maging ang Canada, Mexico, Bahrain at Saudi Arabia bago matapos ang taon ay magkaroon ng massive vaccination.


Sa Pilipinas, abalang-abala sa kaliwa’t kanang iskema ng pagnanakaw ng pondo ang mga opisyal ng bansa!


◘◘◘


Nagbago na ang mga buwaya.


Nag-mutate na ang mga ito tungo sa pagiging buwitreng nabubuhay sa dugo ng mga nagdarahop!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page