top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Ka-grupo ng Azkals ang Thai at Indonesia sa Asean E-Cup

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 2, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 2, 2022



Pinaghalong peligro subalit mas nanaig na pag-asa ang naghihintay sa Philippine Azkals matapos ang opisyal na bunutan para sa 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Mitsubishi Electric Cup noong Martes sa Bangkok, Thailand. Nasama ang mga Pinoy sa Grupo A kasama ang defending champion Thailand at runner-up Indonesia sa unang edisyon ng torneo na taglay ang bagong pangalan.


Maliban sa dalawang nagtagisan para sa kampeonato noong ito pa ay kilala bilang AFF Suzuki Cup, makalalaro rin ng Pilipinas ang Cambodia at ang mananaig sa playoff sa pagitan ng Timor Leste at Brunei. Binubuo ang Grupo B ng Vietnam, Malaysia, Singapore, Myanmar at Laos.


Hinati ang mga bansa ayon sa kanilang mga pinagsamang resulta sa huling dalawang torneo. Dahil dito, umangat ang Pilipinas at ipinares sa Malaysia sa Pot B. Iikot muli ang mga laro sa mga tahanan ng mga koponan sa group stage simula Dis. 20, 2022 hanggang Enero 2, 2023. Titiyakin pa kung anong dalawang laro ng Azkals ang lalaruin sa Pilipinas at saan darayo para sa kanilang dalawa pang laban.


Bubuksan ng Azkals ang kampanya sa Dis. 20 kontra Cambodia. Susundan ito ng tapatan sa Timor Leste o Brunei sa Dis. 23, Thailand sa Dis. 26 at Indonesia sa Bagong Taon Enero 1, 2023.


Gaya ng kinagawian, ang dalawang may pinakamataas ng kartada sa bawat grupo ay tutuloy sa semis mula Enero 6 hanggang 10 na magiging pataasan ng pinagsamang goal sa dalawang laro. Pareho rin ang patakaran sa finals na nakatakda sa Enero 13 at 16.


Samantala, umaarangkada na ang ensayo ng Women’s National Team sa California, USA na tatampukan ng FIFA Friendly kontra 2023 FIFA Women’s World Cup co-host at World #22 New Zealand sa Set. 7. Kinukuha rin ni Coach Alen Stajcic ang pagkakataon na masuri ang ilang mga bagong kandidata na nais maging bahagi ng Filipinas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page