top of page
Search
  • BULGAR

K-12 out, K-10 In, good luck!

@Editorial | July 13, 2023


Ilulunsad na ng Department of Education (DepEd) ang bagong Kinder to Grade 10 (K-10) curriculum.

Ayon sa DepEd, ang implementasyon ng “decongested” K-10 curriculum ay sisimulan sa school year 2024-2025.

Base sa pag-aaral sa K-10, nakita na masyadong congested ang kasalukuyang curriculum na nangangahulugan na napakaraming kailangang matutunan ng mga mag-aaral gayundin, napakaraming kailangang ituro ng mga titser sa loob ng isang school year. Dahil dito, napakahirap na mapag-aralan ang naturang mga asignatura.

Kaya para umano mapag-ibayo ang kalidad ng basic education sa ating bansa, sa bagong curriculum ay bibigyang pokus na lamang ang mga asignatura gaya ng math, science, english, reading at values formation.

Pagdating naman sa K-12, ayon sa DepEd, nagpapatuloy ang pag-review dito.

Matatandaang bumuo ang ahensya ng isang national task force noong Mayo para pag-aralan ang implementasyon ng senior high school program dahil sa hindi pagiging epektibo nito kung saan hirap pa rin ang mga nagtapos sa Senior High School (SHS) na makahanap ng trabaho.

Una na ring inihayag ang pagrepaso sa K-12 curriculum para makapag-produce ng mas competitive, job-ready, active at responsible graduates.


Umaasa tayo na itong ilulunsad na K-10 ay magiging mas epektibo para sa edukasyon.


Wala namang masama sa pagbabago lalo na kung ito ay para sa kapakanan ng lahat.


Bagama’t hindi maiiwasan na maguluhan na naman ang mga estudyante at magulang.


Tiyak na samu’t saring reaksyon ang maglalabasan pero sa huli, wala naman tayong ibang hangad kundi ang mapabuti ang antas ng edukasyon, hindi lang para sa ating mga kabataan kundi para sa hinaharap ng bayan.


Matalino, talentado, matiyaga at madiskarte ang mga estudyanteng Pinoy, kailangan lang ng sapat na gabay mula sa mga magulang at guro, at suporta mula sa ating gobyerno.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page