Jubilum, hindi paaawat sa Maiden Stakes Race
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |October 14, 2022
Kasama si Jubilum sa mga nominadong tatakbo sa 2022 PHILRACOM Imported Maiden Stakes Race na ilalarga sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite sa Oktubre 21.
Inaabangan ng mga racing aficionados ng nasabing event na may limang kabayo ang nagdeklara ng pagsali,kabilang na si Jubilum.
May distansiyang 1,600 meter race, gagabayan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jessie B. Guce si Jubilum para makipagtagisan ng bilis kontra apat pa na tigasing kalahok.
Nakalaan ang guaranteed prize na P1.M na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta, ang ibang nagsaad ng pagsali ay sina Euroclydon, Golden Charger, Sebrything at Speed Revolution. Hahamigin ng mananalong kabayo ang P600,000, mapupunta ang P225,000 sa pangalawang kabayong tatawid sa finish line habang tig-P125,000 at P50,000 ang 3rd at 4th placers ayon sa pagkakasunod.
Maaaring sa susunod na Linggo ay magiging opisyal na ang lineup sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Samantala, nagkaroon ng carry over sa Pentafecta at Super 6 noong Miyerkules ng gabi sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas nang manalo ang dehadong si Balistic Babe sa Race 7. Umabot sa P24,995.44 ang carry over sa pentafecta habang P10,839.15 ang sa super six.





Comments