Jokic, Brown, Hachimura at Morant, namayani
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 3, 2023

Nanaig ang Denver Nuggets sa bisitang Boston Celtics, 123-111, sa unang araw ng Bagong Taon sa NBA kahapon sa Ball Arena. Hindi nangyari ang inaasahang paputok sa tapatan ng mga numero uno sa Western at Eastern Conference at madaling nakamit ng Nuggets ang kanilang ika-24 panalo sa 36 laro.
Sa first quarter lang nakasabay ang Celtics at mula roon ay puro Denver na ang nagdikta. Umabot hanggang 18 ang lamang, 107-89 sa magkasunod na 3-points ni reserba Bones Hyland at siyam na minuto sa orasan.
Umani ng triple double si Nikola Jokic na 30 puntos, 12 rebound at 12 rebound habang nag-ambag ng 21 si Bruce Brown upang umakyat ang Denver sa nag-iisa sa taas ng West. Numero uno pa rin sa buong NBA ang Boston sa 26-11 at nasayang ang 30 puntos ni Jaylen Brown at 25 ni Jayson Tatum.
Nakaiwas ang Nuggets sa tabla kasama ang Memphis Grizzlies na ginamit ang matinding 4th quarter upang talunin ang Sacramento Kings, 118-108. Nagtulungan sina Ja Morant at Steven Adams para itulak ang Memphis sa 111-97 lamang at sapat na ito sa nalalabing 4 na minuto para sa kartadang 23-13.

Nagtapos si Morant na may 35 puntos habang 18 puntos ang reserbang si Tyus Jones.
Parehong 23-13 ang kartada ng nagpapahingang New Orleans Pelicans na tinalo ng Grizzlies, 116-101, noong huling araw ng 2022.
Samantala, kinuha ng bisitang Washington Wizards ang pagkakataon na kulang ang Milwaukee Bucks at inukit ang 118-95 tagumpay na kanilang ika-limang sunod. Ipinasok ni Rui Hachimura ang 13 ng kanyang 26 puntos sa 2nd quarter habang triple double si Kyle Kuzma na 10 puntos, 13 rebound at 11 assist. Sabay lumiban sina Giannis Antetokounmpo, Jrue Holiday at Khris Middleton at lumagpak ang Bucks sa 23-13 at pangatlo sa East.





Comments