‘Joke’ ni P-Digong tungkol sa WPS, hindi nakakatawa!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | May 13, 2021
HIRIT NI ROQUE, HINDI SAKOP NG PILIPINAS ANG JULIAN FELIPE REEF—Pinutakti ng batikos si Presidential spokesman Harry Roque sa kanyang statement na ginagamit lang ng oposisyon ang pananakop ng China sa Julian Felipe Reef kasi hindi naman ito sakop ng teritoryo ng Pilipinas dahil nasa labas ito ng EEZ (Exclusive Economic Zone) ng bansa.
Hay naku, sa kagustuhan ni Roque na makapagsipsip kina P-Duterte at Chinese Pres. Xi Jinping, pati ang Julian Felipe Reef na pag-aari ng Pilipinas ay ibinidang hindi raw sakop ng ating bansa, pwe!
◘◘◘
KUNG PINATULAN SA DEBATE, TIYAK MANGANGAMOTE SI ROQUE KINA CARPIO AT DEL ROSARIO—Kung pinatulan nina ret. Justice Antonio Carpio at dating DFA Sec. Albert del Rosario ang hamong debate sa kanila ni Roque, paniguradong 100% mangangamote ang spokesman ni P-Duterte.
Ubod ng yabang sa paghahamon ng debate sa isyung West Philippine Sea (WPS), tapos hindi pala alam ni Roque na ang Julian Felipe Reef ay nasa kanluran ng Bataraza, Palawan na malinaw na nasa teritoryo ito ng Pilipinas, boom!
◘◘◘
SERYOSO ANG TANONG NG MANGINGISDA, JOKE PALA ANG ISINAGOT NI P-DUTERTE, TINAWAG PANG ISTUPIDO ANG MGA NANIWALA SA KANYANG 2016 CAMPAIGN PROMISE—Noong 2016 presidential debate ay tinanong ng mangingisdang si Carlo Montehermozo si P-Duterte kung ano ang maitutulong nito sa mga mangingisda na palaging hina-harass ng China Coast Guard, at ang tugon ng pangulo ay ipaglalaban niya karapatan ng Pilipinas sa West PH Sea, at magdye-jetski pa para itirik sa Spratlys Island ang Philippine flag.
Seryoso ang tanong ng mangingisda, tapos ngayon ay inamin niyang ‘joke’ lang daw ang sagot niya sa 2016 presidential debate, at sinabihan pang istupido ang mga naniwala sa kanyang campaign promise, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
HINDI LANG PULIS ANG PROTEKTOR NG JUETENG NI ‘JOHN YAP’, PATI TAGA-KAPITOLYO NG CAVITE—Isang alyas Menong na nagpapakilalang taga-kapitolyo ang isa sa mga protekor ng jueteng ni alyas John Yap sa Cavite.
Hindi lang pala pulis ang nagbibigay-proteksiyon sa jueteng ni “John Yap”, kundi pati ang nagpapakilalang taga-kapitolyo ng Cavite, buwisit!





Comments