Johnson ng Spurs, umarangkada; Lowry ng Heat, nagpasikat
ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 5, 2022

Bilang na ang mga araw ng Los Angeles Lakers at nagwagi ang bisitang Denver Nuggets, 129-118, papasok sa huling linggo ng NBA regular season kahapon sa Crypto.com Arena. Dumagdag sa suliranin ng Lakers ang kasabay na panalo ng San Antonio Spurs sa bisitang Portland Trail Blazers, 113-92, upang palakihin sa dalawang panalo ang kanilang lamang sa Lakers para sa huling upuan sa Play-In Tournament sa Abril 12.
Biglang naubusan ng lakas ang Lakers sa 4th quarter at bumuhos ng 10 puntos si MVP Nikola Jokic na huling 6 na minuto upang lalong dagdagan ang 109-104 na lamang ng Denver. Nagtapos si Jokic na may 38 puntos at 18 rebound para umakyat sa 47-32 at isang panalo na lang ang kailangan nila upang makasiguro sa playoffs at iwasan ang Play-In para sa 7th hanggang ika-10 koponan ng bawat conference.
Anim na sunod na ang talo ng Lakers at bumaba lalo sa 31-47, malaking pagkakaiba sa koponan na nagkampeon noong 2020. Bumida sa ikalawang sunod na tagumpay ng Spurs si Keldon Johnson na nagsumite ng 28 puntos patungo sa 33-45 panalo-talo.
Hindi hawak ng Lakers ang kanilang buong kapalaran at kailangan ding matalo ang Spurs sa kanilang nalalabing apat na laro. Tatlo sa huling apat na laro ng Lakers ay gaganapin sa tahanan ng kalaro na Phoenix Suns, Golden State Warriors at isa pa sa Nuggets.
Kinuha ng Miami Heat ang unang hakbang upang pormal na makamit ang numero unong puwesto sa mahigpit na Eastern Conference at nanaig sa Toronto Raptors, 114-109. Nagpasikat sa 16 na puntos at 10 assist si Kyle Lowry ng Miami sa kanyang emosyonal na unang laro laban sa kanyang dating koponan mula 2012 hanggang 2021 at naging All-Star ng anim na beses.





Comments