Jockey Lester De Jesus back-to-back sa 1st Double
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | January 10, 2022
Ipinakita ni Air Class ang kanyang husay sa karerahan matapos manalo sa 2021 PHILRACOM Rating Based Handicapping System kahapon na nilarga sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Nirendahan ni jockey Lester De Jesus ang anak nina With Class at My Neneng na si Air Class upang angkinin ni horse owner AG Puyat ang added prize na P5,000.
Hindi nakigulo sa unahan si Air Class sa largahan, pinauna nito ang matutulin na sina Sweet City at Sagitsit habang puwesto ang winning horse sa bandang likuran.
Tangan ang apat na kabayong bentahe, mag-isang binaybay ni Sweet City ang unahan habang nakasunod sa kanya sina sagitsit at Surplus Girl.
Papasok ng far turn ay unti-unting umusad papalapit sa unahan si Air Class at pagsapit ng huling kurbada ay kuha na niya ang bandera. "Mainam na kabayo, parang outstanding favorite kung manakbo, mananalo pa siya sa susunod niyang takbo," saad ni Jonathan Ledesma, karerista.Sa rektahan umalagwa lalo si Air Class kaya tinawid nito ang meta ng may tatlong kabayo ang agwat sa nasegundong si Heritage.
Inirehistro ni Air Class ang tiyempong 1:33.4 minuto sa 1,400 meter race, terserong dumating sa meta si Sagitsit habang pang-apat si Sweet City sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM). Dahil dehado si Air Class ay nagkaroon muli ng carry over sa Super Six at Pentafecta. Bago tumakbo ang nasabing race ay may carry over na sa Super Six at Pentafecta kaya madadagdagan ulit ito.
May carry over na P153,709.49 sa Super 6 habang P50, 808.70 naman sa Pentafecta.
Samantala, matapos ipanalo si Air Class ay ginabayan din ni De Jesus sa panalo si Fortress.
Sinikwat nina Fortress at De Jesus ang panalo sa PHILRACOM RBHS na pinakawalan sa Race 2.





Comments