Jockey Alvarez ng Pangalusian Island, bumida sa Gold Cup
- BULGAR

- Dec 30, 2020
- 2 min read
ni Ding Taboy - @Renda at Latigo | December 30, 2020
Sinungkit ng Pangalusian Island ang korona ng Philippine Racing Commission Presidential Gold Cup matapos pahiyain ang mga paborito noong Linggo sa
San Lazaro Leisure Park (SLLP) sa Carmona, Cavite.
Matapos pumangalawa noong 2019 kay SuperSonic last, umatake ang Pangalusian Island sa diretso at tuluyang inungusan ang Super Suwerte sa huling 10 metro upang angkinin ang kampeonato na nagkakahalaga ng P1.8 million para sa may-ari na si Wilbert Tan. “Talagang pang-remate siya,” ani Tan. “ Sabi ko, alalay lang sa trangko, pabibo lang sa huling kwartos, tapos ‘yung pagdadala, hindi sya dapat maipuwesto agad sa paglundag. Pipigilin, tapos magpapalakas lang. Kasi kapag naipuwesto siya agad, nag-aayaw siya.”
Sumegunda naman si Jockey Mark Alvarez. “De-remate talaga s’ya. So, pinag-basehan ko ‘yung mga laban kanina, puro naman may speed ‘yung kalaban kaya sigurado na sa last ako manggagaling. ‘Yung experience ng kabayo ko na batak na siya. Kumbaga, husay na siya sa mabibigat na laban kumpara doon sa mga iba kong kalaban ngayon. ‘Yun lang naman po talaga ang tsansa ko dito. Hayun, nabigyan ako ng pagkakataon para maipakita ‘yung experience ng kabayo ko,” ani Alvarez, na nakuha ang ika-2 Presidential Gold Cup triumph, ang una niya laban sa Low Profile noong 2016.
Iniuwi rin ni Tan ang magandang Philippine Charity Sweepstakes Office-donated Presidential Gold Cup trophy, na tinagurian ni Philracom Chairman Reli de Leon na “ultimate dream of every horseowner.”
Ang Super Swerte, na pag aari ni Leonardo Javier, ay nagtamo ng P675,000 sa ikalawang puwesto, samantalang ang pangatlo na Wonderland (jockey PR Dilema), ay tumanggap ng P375,000 para sa may-ari na Ken Logistics Forwarding. Ang pang-apat na Boss Emong (jockey MM Gonzales) ay sumungkit ng P150,000 para sa may-ari na si Edward Vincent Diokno.
Lahat ng premyo ay nagmula sa Philracom. “I’m very thankful that there’s a big support from the racing public and of course from the racing community. We’re looking forward to bigger stakes races in the future or next year. Horse racing is still alive and I’m very thankful for that,” ani Philracom chairman De Leon.
Tumakbo ang Pangalusian Island, na ang mga magulang ay sina Chancellor (USA) at Dimples (AUS), ng 2:08.8, na may quartertimes na 24, 24, 26, 26 and 28.




Comments