Jiu-Jiteira Ramirez, Custodio at Napolis sa U.S. ang ensayo para sa Asiad
- BULGAR

- 15 hours ago
- 2 min read
by Gerard Arce @Sports News | August 22, 2026

Photo: Ramirez
Isang buwang nagsasanay sa Estados Unidos si 3-time World Jiu-jitsu champion Annie Ramirez sa misyong madepensahan ang kampeonato sa 20th Aichi-Nagoya Asian Games sa Japan sa Setyembre.
Nakatakdang pangunahan ng 35-anyos na jiu-jiteira, katuwang sina 4-time World titlist Kimberly Anne Custodio at 2022 Hangzhou Games bronze medalist Kaila Napolis ang 15-strong Philippine national squad para higitan ang 2 ginto at tansong medalya sa China meet.
Tanging ang 3-time SEAG gold medalist ang nalalabing kampeon para sa Pilipinas matapos pormal na magretiro si 3-time World champion Meggie Ochoa. Gayunman, nananatiling malaki ang tsansa ng koponan na determinadong daigin ang jiu-jitsu powerhouse na United Arab Emirates na kumulekta ng 10 medalya kabilang ang 4 ginto, at tig-3 pilak at tanso.
Nakamit ng 3-time Asian Championship titlist ang bagong korona sa paboritong women’s under-57kgs nang pataubin si Diana Lomei ng Ukraine 9-2 sa finals ng 2026 JJIF World Championships sa Mubadala Arena sa Abu Dhabi, upang sundan ang tagumpay sa 10th JJIF Jiu-Jitsu Asian Championship noong Hulyo sa Almaty Arena sa Kazakhstan.
Ito ang ikatlong sunod na tagumpay ngayong taon ni Ramirez matapos makuha ang bagong kampeonato sa 2026 Asian Beach Games sa China, habang puntirya sumabak sa mas mababang kategorya sa under-52kgs si Ramirez kasama si 2025 World Games silver medalist at 2023 SEAG champion na si Napolis simula Set. 19-Okt. 4 sa Aichi Budokan.
Sasabak si Custodio sa mas mabigat na under-48kgs matapos ang kampeonato sa adult female under-45 kg, kasama si Jollirine Co, habang bibira sa under-63kgs sina Sanya Beach Games titlist Alex Enriquez at Andrea Lao.
Nakahanda ang men’s squad na matagpuan ang bangis sa loob ng mats mula kina Myron Myles Mangubat at Santino Luis Luzuriaga sa under-62kgs; dating SEAG titlist Marc Lim at Yman Baluyo sa under-69kgs; pares nina Antonio Dy at Mark Vergel sa under-77kgs; Vito Luis Luzuriaga at David Miranda sa under-85kgs; at Romeo Arellano sa men’s under-94kgs category.





Comments