Jazz, matibay sa tuktok, 'Big 3', binuo ni Durant
- BULGAR

- Feb 15, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 15, 2021

Puno ng emosyon ang pagbisita sa unang pagkakataon ni Kevin Durant ng Brooklyn Nets sa kanyang dating koponan Golden State Warriors at hindi siya nag-aksaya ng panahon na mamuno sa kanilang 134-117 panalo sa NBA kahapon sa Chase Center. Walang ipinakitang kalawang si Durant mula sa isang linggong pahinga bunga ng COVID-19 protocol at nakapagtipon ng 20 puntos at umangat sa 16-12 panalo-talo.
Nabuo muli ang “Big Three” ng Nets at gumawa ng 23 puntos si Kyrie Irving habang may 19 puntos si James Harden. Matatandaan na pumirma ng kontrata si Durant sa Nets noong 2019 matapos bigyan ng dalawang kampeonato ang Warriors noong 2017 at 2018 subalit hindi nakalaro ng buong 2019-2020 sa kanyang bagong koponan matapos operahan sa paa.
Sa ibang laro, tinibayan ng Utah Jazz ang kanilang estado bilang numero unong koponan sa buong NBA matapos patahimikin ang bisitang Miami Heat, 112-94, ang kanilang ika-pitong sunod para sa kartadang 22-5 at isang panalong lamang sa humahabol na defending champion Los Angeles Lakers (21-6). Umabot ng 23 ang lamang ng Jazz noong 4th quarter, 92-69, matapos ang free throw ni Gilas Pilipinas Jordan Clarkson na nagtapos na may 11 puntos sa harap ni Pinoy coach Erik Spoelstra ng Miami (11-5).
Nanguna sa Jazz sina Donovan Mitchell na may 23 puntos at Bojan Bogdanovic na may 19 puntos. Magkikita muli ang dalawang koponan sa Pebrero 27 sa tahanan ng Heat. Pumutok para sa 13 ng 18 puntos si Aaron Holiday sa 4th quarter para manalo ang Indiana Pacers sa Atlanta Hawks, 125-113. Ang huling dalawang magkasunod na buslo ni Holiday ang umagaw ng lamang, 109-105, at kumapit ang mga kakampi sa nalalabing apat na minuto.
Nanguna sa Pacers si Doug McDermott na may 26 puntos. Sinundan ni Myles Turner na may 19 puntos at 10 rebound habang 18 puntos din si Malcolm Brogdan.
Madaling dinispatsa ng New York Knicks ang kulang na Houston Rockets, 121-99. Nagpasikat ng todo si Devin Booker sa second half upang itulak ang Phoenix Suns laban sa bisitang Philadelphia 76ers, 120-111.




Comments