Jazz, Grizzlies, Celtics, at Bucks, nagpasabog
- BULGAR
- Jan 18, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 18, 2023

Ipinanalo ni Pinoy pride Jordan Clarkson ang bisitang Utah Jazz kontra sa Minnesota Timberwolves, 126-125, kasabay ng pagdiriwang ng Martin Luther King Day sa NBA kahapon. Wagi rin ang Memphis Grizzlies sa Phoenix Suns, 136-106, para sa kanilang ika-10 sunod.
Na-shoot ni Clarkson ang free throw galing sa foul ni Austin Rivers na bumasag sa 125-125 tabla at 4.2 segundo sa orasan. Kinabahan ang Jazz sa pagsablay ng pangalawang tira subalit nagmintis ang tres ni Jaden McDaniels bago tumunog ang huling busina.
Nanguna si Clarkson na may 21 puntos habang 20 puntos at 21 rebound si rookie Walker Kessler. Nilundagan ng Jazz (23-24) ang Timberwolves (22-23) para sa ika-7 puwesto sa Western Conference.
Humataw ang Grizzlies sa 4th quarter at walang nagawa ang Suns na patuloy ang pagliban nina Devin Booker at Chris Paul. Nagtapos si Ja Morant na may 29 puntos at tinulungan ni Desmond Bane na may 28 para sa kartadang 30-13.

Patuloy ang pamamayagpag ng Boston Celtics sa Eastern Conference at itinala ang 130-118 tambakan sa Charlotte Hornets salamat sa 51 puntos ni Jayson Tatum. Sumabay sa tagumpay ang naghahabol na Milwaukee Bucks sa Indiana Pacers, 132-119, at gumawa ng 35 puntos at 11 assist si Jrue Holiday.
Mainit at malamig ang kampanya ng World Champion Golden State Warriors at nanalo sa tahanan ng Washington Wizards, 127-118. Pumukol ng anim na three-points si Stephen Curry patungo sa 41 puntos.
Samantala, nagsabog ng 48 puntos si LeBron James upang itulak ang Los Angeles Lakers sa 140-132 tagumpay sa Houston Rockets. Umakyat si LBJ sa 38,072 at 316 na lang ang kailangan upang lampasan ang 38,387 ni Kareem Abdul Jabbar para sa pinakamarami sa kasaysayan ng liga.





Comments